Isa katao ang patay at dalawa ang sugatan matapos mag-cut umano ang isang 22-wheeler dump truck at mang-araro ng isang motorsiklo at tatlo pang sasakyan sa southbound lane ng C5 sa Taguig.

Sa ulat ni Bam Alegre sa "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing naganap ang insidente pasado 8 p.m. sa bahagi ng Barangay Pinagsama.

Nanggaling ang truck sa northbound lane at nag-cut umano patungong southbound lane, at inararo na ang kasalubong na dalawang SUV at motorsiklo.

Dalawa ang sugatan, na agad dinala sa ospital.

“Isang motorcycle rider, pinadala ko kaagad sa Taguig Pateros District Hospital kasi meron siyang injury sa right foot niya. Bali 'yung buto niya, meron siyang pagdurugo, kaya pinadala kaagad namin sa ospital upon arrival. Another one, may-ari naman ng sasakyan na nabangga rin, meron siyang sustained spinal injury. Kaya upon arrival din ng ambulance, pinadala namin siya sa St. Luke's Medical Center,” sabi ni Vince Lopez, Assistant Barangay Administrator.

Isang AUV ang pinakanapuruhan matapos maka-head-on collision ng truck sa gilid at naipit sa railings ng highway at mga puno.

Dead on the spot ang driver at natagalan ang mga rescue workers sa pagkuha sa kaniyang katawan.

Kinailangan pa ng crane at boom truck para hilahin nang kaunti ang dump truck at maabot ang nasirang AUV.

Tumagal ng ilang oras ang traffic sa C5.

Nasa kustodiya na ng Taguig Traffic Bureau ang driver ng truck, na tumangging magbigay ng kaniyang panig sa GMA Integrated News.

Mag-isa lang at walang pahinante ang truck driver, na nagtamo ng ilang sugat.

Ayon sa barangay, tinangka pa niyang umalis mula sa pinangyarihan ng aksidente.

“Noong bumangga na siya at huminto na sila rito, 'yung driver, bumaba roon sa truck. Then siguro, na-shocked siya, pumunta ng kalsada, kumbaga parang tatakas. Kaya hinabol siya ng tanod namin dito tapos ng mga bystander.”

Magsasagawa ang pulisya na imbestigasyon sa sanhi ng aksidente. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News