Hindi inasahan ng cast ng "Green Bones," lalo sina Dennis Trillo at Ruru Madrid, na mapapaiyak sila, pati na rin ang iba pang nanood dahil sa damdaming hatid ng pelikula sa premiere night nito.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing ginanap ang premiere night nitong Biyernes.
Naantig ang audience sa kuwento at magaling na pagganap ng cast.
Sina Dennis at Ruru na unang beses ding napanood ang buong pelikula, hindi rin naiwasang maging emosyonal.
"First time ko yatang naiyak sa sarili ko habang pinanonood ko siya. Nagulat din ako sa katabi ko, si Jen (Jennylyn Mercado), na kalagitnaan pa lang ng pelikula, marami nang tissue na nagagamit," sabi ni Dennis.
"After I watched this film sabi ko, it's gonna be a timeless film. It's gonna be a classic. I'm just very grateful to be [a] part of this project," sabi ni Ruru.
Full support si Jennylyn kay Dennis, at si Bianca Umali na girlfriend ni Ruru.
"Realization na lahat tayo may second chances at may kabutihan sa puso. Kalimutan lahat ng mga problema, maiksi ang buhay, magmahalan tayo," sabi ni Jennylyn.
"Ang hirap huminga habang pinanonood ko 'yung pelikula. And noong makita ko 'yung performance, 'yung balanse nilang dalawa ni Kuya Dennis, 'yung work ni Direk Zig (Dulay)," sabi ni Bianca.
Natutuwa sa magandang feedback ang direktor ng Green Bones na si MMFF 2023 Best Director Zig Dulay.
"Noong makita ko na marami sa kanila, kung hindi lahat ay lumuluha, ang ibig sabihin nag-resonate sa kanila 'yung pelikula," sabi ni Direk Zig.
Present din sina Pablo at Stell ng SB19, na nagpasalamat na official soundtrack ng Green Bones ang kanta nilang "Nyebe."
"Maganda 'yung pagkakatagpi-tagpi ng story, so madadala ka, magiging invested ka sa story," sabi ni Stell.
"There's a different meaning para roon sa kanta namin. Pero posible pala 'yun na tumugma 'yung lyrics niya kahit iba 'yung story na pino-portray," sabi ni Pablo.
Dumalo rin ang ilang Sparkle stars, ang Kapuso multi-awarded host-journalist na si Jessica Soho, Senior Vice President Annette Gozon-Valdes at GMA Pictures Executive Vice President and GMA Public Affairs First Vice President Nessa Valdellon.
Nitong araw ang MMFF Parade of Stars, kung saan kalahok din ang float ng Green Bones. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News