Matapos kumpirmahin ni Atong Ang ang kanilang relasyon ni Sunshine Cruz, inihayag ng dating asawa ng aktres na si Cesar Montano na masaya siya para sa dalawa.

"I sincerely wish that they will live happily ever after," ani Cesar sa kaniyang pahayag sa Philippine Star.

"They both deserve to be happy," dagdag niya.

Sinabi ni Cesar na masaya siya para kay Sunshine. Ang kasiyahan ng dating misis, katumbas daw ng kasiyahan ng kanilang mga anak.

"As a father, my daughters' happiness is mine as well," sabi niya.

Inihayag din niya ang kaniyang tuwa at pag-apruba kay Atong.

"Saludo ako kay Atong for being man enough to admit his relationship with Shine."

Nag-viral kamakailan ang mga video ng paghalik ni Sunshine kay Atong sa isang event.

Sa isang video, makikita na lumakad si Sunshine patungo sa nakaupong si Atong, at kaniya itong hinalikan.

Habang sa isa pang video, si Atong naman ang nagpunta sa lugar ni Sunshine na nakaupo rin noon at kaniyang ring hinalikan.

Tila maayos na ngayon ang relasyon nina Sunshine at Cesar matapos ang kanilang annulment noong 2018.

Nasa isang modern family setup sila ngayon, at dumadalo sa iba't ibang mga okasyon para sa kanilang mga anak na sina Angelina, Chesca, at Sam.

Naging karelasyon din ni Sunshine ang politikong si Macky Mathay.

Dati namang na-link kay Gretchen Barretto si Atong Ang. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News