Hindi pa man nagtatapos ang Disyembre, mahigit 453,000 mga paputok na ang nakumpiska sa Quezon City nitong buwan, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).

Sa ulat ni JP Soriano sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, inilahad pa ng QCPD na sa ngayon, nakapagtala sila ng isang kaso ng firecracker-related injury.

Mahigit 10,000 kapulisan ang ipinakakalat ng Philippine National Police sa National Capital Region upang siguruhing maayos na ipatutupad ang mga batas tungkol sa kampanya laban sa ilegal na paputok at pagkakaroon ng fireworks display zone sa mga barangay.

Ngayong taon, mas gustong tutukan ng Department of Health (DOH) ang pagsisiguro ng mga magulang na hindi hahawak ang mga bata ng paputok, lalo ang mga ilegal.

Sinabi ng DOH na makikipag-ugnayan din ito sa Department of the Interior and Local Government (DILG) upang tiyaking maipatutupad ang firecracker ban at community fireworks display zone.

Sa Albay, tila walang takot ang mga bata sa paggamit ng boga na kanilang ginamit na instant paputok sa kabila ng pagiging peligroso nito at ipinagbabawal ng Department of Health.

Sa Davao City, kasama rin ang boga sa mga ipinagbabawal sa ilalim ng firecracker ban, kung saan walong boga ang nakumpiska ng pulisya nitong nakaraang linggo.

Sa Mangaldan, Pangasinan, mga kabataan din ang karamihang gumagamit ng boga.

Sa Central Luzon, dulot ng boga ang dalawa sa tatlong naitalang firecracker-related incident, at pawang mga bata ang biktima. Isa namang 41-anyos ang naputukan ng kuwitis.

Ayon pa sa ahensiya, tila mas bumababa na ang kaso ng mga biktima ng paputok, ngunit dumadagdag naman ang kaso ng mga inaatake ng cardiovascular diseases.

Kung kaya nagpaalala ang DOH na tiyakin ang healthy diet sa gitna ng kabi-kabilang mga kainan. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News