Iwas putok-batok na, masarap pang panghanda sa Pasko ang produktong Hamon de Bola ng isang mag-asawa sa General Santos City, na hindi baboy kundi Tuna ang sangkap.
Sa “I Juander,” itinampok ang Tuna Hamon de Bola na produkto ng mag-asawang sina Valeriano at Lorna Mosquite.
Taong 1998 nang isdang Tuna pa ang inilalako ng mag-asawa noon sa palengke.
Hanggang sa isang araw, naisipan ni Lorna na magluto ng Chorizo Tuna mula sa mga natirang almusal.
Kalaunan, naging best-seller ang kaniyang Tuna Hamon de Bola.
Nagsimula na silang itinda ito noong 2015, at bumenta sila ng 10,000 packs bilang kanilang quota tuwing Pasko.
Gawa sa 100% na tuna ang Tuna Hamon de Bola, na mayaman sa Omega 3 at mas healthy kaysa karne ng baboy.
Nasa likod din ng pag-asenso ng negosyong Tuna Hamon de Bola ng mag-asawang Mosquite ang kanilang mga masigasig na empleyado.
Tunghayan sa “I Juander” ang masinsinang proseso ng Tuna Hamon de Bola ng mag-asawang Mosquite. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News