Naiyak sa matinding galit ang ilang nagtitinda sa ilalim ng tulay sa C-5 Road sa Taguig nang paalis sila ng ma tauhan ng Metro Manila Development Authority. Giit nila, naghahanap-buhay sila nang marangal.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ilang gamit ng mga nagtitinda ang kinumpiska ng MMDA.
“Ito ba pamasko niyo? Kami dalawang matanda, walang magpakain sa amin kaya ito nagpipilit kami sa bawal. Hindi naman kami nakakaistorbo eh… Bakit ganun? Tumulong kayo. Hindi niyo madadala sa langit ang trabaho niyo,” hinanakit ng isang matandang vendor.
“Ang dami-daming problema ng gobyerno na ‘yan. Kami pang mahihirap lang ang nagtatrabaho ng marangal, ‘yan pa idudulot nila sa amin,” dagdag naman ng isa pang vendor.
Ikinatwiran naman ng isa pang nagtitinda na, "Paano pag nagnakaw, ano sasabihin sa amin? ‘Mag hanap-buhay kayo nang marangal.’ Ngayon naghahanapbuhay, huhulihin na parang nagnanakaw.”
Ngunit paliwanag ng MMDA, ginagawa lang nila ang kanilang trabaho at bawal ang magtinda sa ilalim ng mga lay-by na nakalaan sa emergency at silungan ng mga rider kapag umuulan.
“We are not anti-poor, it's just that we have to implement kung ano ang tama,” paliwanag ni MMDA Special Operations Group Strike Force Officer-in-Charge Gabriel Go.
Tinekitan din ng MMDA ang mga may-ari ng sasakyan na nakaparada sa lugar. -- FRJ, GMA Integrated News