Tinambangan sa Zamboanga City ang sasakyan ng provincial election supervisor ng Sulu nitong Sabado ng umaga, ayon kay Commission on Elections chairman George Garcia.

Sugatan naman ang kapatid ng provincial election supervisor.

Sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo dzBB, sinabing naganap ang insidente bago mag-10 a.m., base na rin sa kumpirmasyon ni Garcia.

Ligtas si Sulu Provincial Election Supervisor Julie Vidzfar, ngunit agad isinugod sa ospital ang kaniyang kapatid.

Patungo ng airport ang magkapatid at binabagtas ang bahagi ng Santa Maria, Zamboanga City nang tambangan sila.

Inihayag ni Garcia ang kaniyang pagkabahala at umaasang makapagsasagawa ang Philippine National Police ng malalimang imbestigasyon. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News