Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magkaroon ng masusing pag-aaralan sa dahilan ng pagbaha sa iba't ibang lugar sa bansa at hanapan ito ng solusyon.
Ginawa ni Marcos ang pahayag sa isinagawang situation briefing sa Mauban, Quezon nitong Biyernes kasunod nang hagupit ng Habagat at bagyong Carina na nagpabaha sa maraming lugar sa Luzon, kabilang ang Metro Manila.
“Let's prepare for the next flood. This is the first typhoon during La Niña season, we have a long way to go. We have to prepare for that. There are places that used to be marked safe from floods, but it is not the case now. That's what we have to figure out, bakit nagbago 'yan,” sabi ng pangulo.
“Saan nanggaling ang tubig, saan dumaan? Anong gagawin natin para harangin 'yan, at least impound, whatever kung ano ba 'yung magiging plano. Ang flood control, ang tubig hindi nangingilala ng boundary, kaya ang flood control has to be a big plan. There has to be a national [flood control] plan,” patuloy niya.
Binigyan-diin ni Marcos na hindi dapat limitahan sa ilang rehiyon lamang ang mga flood control project.
“Hindi puwedeng isang bayan lang dito, isang bayan lang doon. That's why we are trying to assess what are the significant changes, because all our flood-control projects are projects that are in response to ‘yung mga flooded noon, e nagbago na,” paliwanag niya.
“We have to understand the flow of the water and how to somehow manage it so that it does not flood into the productive areas, the households, the residential communities. You cannot do this in one province, one town. This plan will span regions,” dagdag ng pangulo.
Sa hiwalay na pahayag, inatasan naman ni Speaker Martin Romualdez ang House committee on appropriations na agad pondohan ang pagkumpuni sa nasirang Tangos-Tanza Navigational Gate sa Navotas City na nasira noong June matapos mabangga ng barge.
Ang pagkasira ng naturang flood control ang isa sa mga pinaniniwalaang dahilan na nagpalala sa baha sa ilang bahagi ng Metro Manila.
“We must immediately allocate the necessary funds to repair and reinforce the gate to withstand future typhoons and protect our communities,” ani Romualdez sa pahayag.
“The President has rightly pointed out the urgent need to fix the Navotas floodgate. We in the House will ensure the necessary funds are available without delay,” dagdag niya.
Bagaman noong Hunyo 7 pa nasira ang naturang navigational gate, inaasahang sa Agosto pa ito masisimulang makumpuni. —mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News