Inanunsiyo ni US President Joe Biden nitong Linggo na hindi na siya muling tatakong pangulo ng Amerika sa darating na November elections, na magsisilbi sanang "rematch" nila ni dating US president Donald Trump.
Sa ulat ng Reuters, inindorso ni Biden ang kaniyang Vice President na si Kamala Harris para ipalit sa kaniya bilang kandidato ng kanilang partidong Democrats.
Sa post X, sinabi ni Biden, 81-anyos, ang pinakamatandang pangulo ng US na nahalal, mananatili silang pangulo at commander-in-chief hanggang matapos ang kaniyang termino sa Enero 2025.
Nakatakda siyang magsalita para sa bansa sa linggong ito.
"It has been the greatest honor of my life to serve as your President. And while it has been my intention to seek reelection, I believe it is in the best interest of my party and the country for me to stand down and to focus solely on fulfilling my duties as President for the remainder of my term," saad ni Biden.
Sa pag-endorso ni Biden kay Harris, 59, ang huli ang magiging kauna-unahang Black woman na posibleng tumakbong pangulo ng US sa isang major-party ticket sa kasaysayan, at lalaban kay Trump ng Republican.
Hindi pa tiyak kung may kokompitensya kay Harris mula sa mga senior Democrat pagdating ng kanilang party nomination.
Ilang linggo nang may panawagan kay Biden mula sa kaniyang mga kapartido at mga pribadong tagasuporta para umatras na sa laban at maglagay ng ibang kandidato. Bunga ito ng hindi magandang ipinakita niya sa kanilang debate ni Trump, 78, noong nakaraang buwan.
Ilang beses ding nagkakaproblema si Biden na kompletuhin ang nais niyang sabihin at may mga pagkakataon na ibang pangalan ang kaniyang natutukoy.
Gayunman, nanindigan noon si Biden na hindi siya aatras sa laban, hanggang sa biglang magbago ang kaniyang isip nitong Linggo.
Samantala, tinawag ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. nitong Lunes, na "act of genuine statesmanship" ang ipinakita ni Biden sa pag-atras sa panguluhang halalan.
''President Biden's decision to withdraw from his candidacy is a demonstration of genuine statesmanship,'' sabi ni Marcos sa tweet.
Pinasalamatan din ni Marcos sa Biden sa suporta niya sa Pilipinas.
''We thank him for his constant and unwavering support for the Philippines in a delicate and difficult time. We wish him well for the rest of his presidency and for all his future endeavors,'' pahayag pa ni Marcos.
Nanalo noong 2020 presidential elections si Biden laban sa re-electionist noon na si Trump sa lamang na 7 million votes, at nakakuha ng 51.3% ng popular vote laban sa 46.8% ni Trump.
Sa naturang panalo, si Biden ang naging pinakamatandang nahalal na pangulo ng US.
Sa kaniya naman pag-atras sa darating na Nov. elections, siya ang sumunod kay President Lyndon Johnson, na sitting president na hindi na humirit ng ikalawang termino na nangyari noong 1968.--mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News