Timbog ang tatlong katao matapos silang mabisto na ilegal na nagmimina ng ginto sa kabila ng cease and desist order ng mga awtoridad sa Paracale, Camarines Norte.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood sa video na nahuli sa akto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) - Environmental Crime Division ang mga suspek sa isang tagong bahagi ng Barangay Tayabas.
Makikita rin ang halos magkakatabing butas na may lalim na 22 metro.
Sinabi ng NBI na matagal nang ipinahihinto ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ilegal na pagmimina sa lugar.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, hindi humingi ng permiso sa DENR at sa may-ari ng lupa ang mga suspek sa ginagawa nilang pagmimina.
Kumpiskado ang kanilang mga gamit sa pagmimina sa lupang may lawak na mahigit isang ektarya.
“Mayroon nang cease and desist order issued against these people. But they still continue. Ngayon, ang NBI ay magiging proactive. Pagka may pumuntang reklamo, action agad kami,” sabi ni Santiago.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makunan ng panig ang mga nadakip, na nakakulong sa Bicol.
Na-inquest na ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Philippine Mining Act at Forestry Reform Code. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News