Sugatan ang isang babaeng nagdya-jogging sa gilid ng kalsada matapos siyang tamaan ng isang motorsiklo na sumemplang makaraang sumagi sa isa ring motorsiklo sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, makikita sa CCTV footage ang biktima habang nagdya-jogging noong umaga ng May 12.

Sa likod niya, isang motorsiklo ang nagtangkang mag-overtake sa isa ring motorsiklo. Pero sumagi ang nag-overtake na rider hanggang sa mawalan ng balanse at sumemplang.

Ang sumemplang na motorsiklo, dumausdos at tinamaan mula sa likuran ang biktima at mistulang nag-somersault nang tumilapon.

Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang biktima, maging ang rider na nakadisgrasya sa kaniya.

Nakatakda umanong mag-usap ang dalawa.

Sa Sinait, Ilocos Sur, isang 18-anyos na rider ang nasawi matapos sumalpok sa kasalubong na van na nasa tamang linya ng daan.

Ayon sa pulisya, nakainom ang rider at walang helmet nang mangyari ang insidente. --FRJ, GMA Integrated News