Laking gulat ng isang pamilya sa Koronadal City, Cotabato nang makita nilang butas ang nitso ng kanilang sanggol na ilang araw pa lang inililibing at nakalabas ang paa nito.
Sa ulat ni Jestoni Jumamil ng GMA Regional TV One Mindanao sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, sinabing pitong-buwang-gulang ang sanggol na namatay dahil sa pneumonia.
Nang bisitahin ni Chinelyn Mamburao at kaniyang mister ang puntod ng kanilang anak para magtirik sana ng kandila, nagulat sila nang makita nilang butas ang nitso nito.
“Nakita namin na nakalabas na ang paa. Bisitahin sana namin at magsindi ng kandila dahil Biyernes Santo at ika-siyam na araw na niya,” sabi ni Rossana, lola ng sanggol
Hinala ng pamilya at ilang residente, planong nakawin ang ilang parte ng sanggol para gawing anting-anting.
“Oo baka nakawin talaga ang buto sa tuhod ng bata. Pero wala naman, tinignan namin, wala namang nawala,” dagdag ng lola.
Ayon sa ilang saksi, may nakita silang grupo ng kalalakihan na pumasok sa sementeryo noong Biyernes.
Ginawa na muli ang nitso ng sanggol habang inaalam na ng mga awtoridad kung sino ang mga suspek.--FRJ, GMA Integrated News