Ikinuwento ng ina na si Dan Analyn Cruz ang matinding pinagdaanan ng kanyang baby na si Dylan nang magkasakit ito ng pertussis Hulyo ng nakaraang taon.
Noong una raw inakala ng kaniyang pediatrician na simpleng reflux lang daw ito pero nang tumagal ang ubo ng sanggol, dito na nameligro ang kaniyang buhay dahil sa ilang beses daw nitong pagtigil sa paghinga.
Nang isugod sa ospital si Dylan at isailalim sa pagsusuri, dito na siya na-diagnose na may malala na siyang stage 2 pertussis, o whooping cough.
Na-confine sa ICU nang halos isang buwan ang sanggol at tinubuhan.
May pagkakataon din daw na ni-revive na lang si Dylan dahil tumitigil na ang paghinga nito.
Habang nakikipaglaban sa pertussis, nagkaroon pa raw ng mga kumplikasyon ang sanggol tulad ng blood infection, electrolytes imbalance, UTI, at seizures, at bumaba rin daw ang hemoglobin nito kaya’t kinailangang salinan ng dugo.
Matapos ang halos isang buwang gamutan sa ospital, gumaling si Dylan mula sa pertussis at ngayon ay 10 months old na siya.
May one-dose vaccine na rin siya laban sa pertussis pero inoobserbahan pa raw ang sanggol para sa posibleng cerebral palsy na ayon sa kaniyang ina ay posibleng naidulot din ng sakit dahil sa ilang beses itong nawalan ng oxygen sa utak.
Ayon sa kaniyang ina, ipinost niya ang video ng pinagdaanan ni baby Dylan sa social media para magkaroon ng awareness ang mga magulang na huwag balewalain ang ubo ng mga sanggol at pabakunahan sila.
Binigyang diin naman ng infectious diseases expert na si Dr. Rontgene Solante na mahalaga ang bakuna sa mga sanggol para maproteksyunan mula sa sakit na pertussis.
Kung bakunado aniya ang sanggol, bababa ang tiyansa nitong mamatay at iikli ang duration ng sintomas nito.
Kung mayroon namang sintomas, ipasuri kaagad sa doktor para mabigyan ng gamot at hindi ito lumala. — BM, GMA Integrated News