Nasawi ang isang tatlong taong gulang na batang babae na naglalaro matapos siyang magulungan ng isang kotse sa isang subdivision sa Naic, Cavite.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, kinilala ang biktima na si Harlene Rose Gascon.
Sa kuha ng CCTV ng subdivision sa Barangay Halang, mapapanood na naglalaro mag-isa ang bata sa labas habang malapit sa isang green na kotseng nakaparada noon bandang 6 p.m.
Ngunit umandar ang kotse at bigla nitong nabangga ang bata, na pumailalim, nagulungan, at nakaladkad ng ilang metro.
Pagtigil ng kotse, nilapitan ito ng isang lalaki at bumaba naman ang driver.
“Allegedly unaware itong ating suspek doon sa naglalaro na biktima,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Chester Noel Borlongan, Chief ng Naic Police.
Ayon sa tiyahin ng bata na si Nesley Meneses, abala noon ang nanay nito sa pagluluto pagkauwi mula sa pagtitinda ng halo-halo. May nilakad naman ang ama nito at nasa bahay ang mga kapatid.
Hindi na namalayan ng pamilya na nakalabas na ng bahay ang bata.
“Noong pagkalabas ng bahay ng aking pamangkin, hindi ho akalain ng ina na nakarating na pala dito sa kabila, sa may laruan diyan sa labas,” sabi ni Meneses.
“May narinig na lang ‘yung kapatid ko na merong nabangga at noong tumakbo ‘yung panganay na anak, na nabangga nga raw ‘yung kanilang kapatid na bunso,” dagdag ni Meneses.
Dahil sa pagkataranta, dinala pa muna sa bahay ang bata pagkatapos masagasaan saka dinala sa ospital.
Gayunman, bigong ma-revive ng mga doktor ang bata.
Agad ding naaresto ng pulisya ang suspek, na nakapagpiyansa matapos pagbigyan ng korte.
Kinasuhan ang suspek ng reckless imprudence resulting in homicide.
Ayon kay Meneses, desidido ang kanilang pamilya na sampahan ng reklamo ang suspek.
Hindi na nakikipagkita o nakikipag-ugnayan sa pamilya ng bata ang suspek, na ayon kay Meneses ay kaanak ng kapitbahay nila at nakikitira lang doon.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makunan ng pahayag ang suspek. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News