Umalma ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa panukalang ipagbawal ang Filipino dubbing ng mga pelikula at programang gumagamit ng Ingles na ipinalalabas sa bansa.
“Nagkakaisa ang Lupong Tagapagpaganap ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na sina Kom. Arthur P. Casanova, Kom. Benjamin M. Mendillo Jr., Kom. Carmelita C. Abdurahman, at Direktor Heneral Atty. Marites A.Barrios-Taran na dapat itong tutulan sapagkat hindi kailanman batayan ang pagsasaalang-alang sa kakayahan nating gumamit ng banyagang wika upang isakripisyo ang sarili nating wika para lamang umangat ang ating iskor sa pamantayang global habang gutom at kumakalam ang sikmura ng maraming mamamayang Pilipino at matunaw ang ating wika na pundasyon ng ating kasarinlan at karunungan!” saad ng KWF sa isang pahayag.
“Ang pag-ban sa pagsasa-Filipino sa mga pelikula ay paniniil sa dapat na maunawaan ng mga Pilipino sa kanilang pinanonood. Dapat itong tutulan,” dagdag ng KWF.
Idiniin ng KWF na may mandato itong itaguyod ang patuloy na pag-unlad at paggamit ng Filipino bilang Wikang Pambansa at pangalagaan ang mga wikang katutubo ng Pilipinas patungo sa pagkakaunawaan, pagkakaisa, at kaunlaran ng sambayanang Pilipino.
Sa paghahain ng House Bill 9939, sinabi ni Negros Occidental Representative Jose Francisco ''Kiko'' Benitez na dapat pag-ibayuhin ng Pilipinas ang learning delivery, kung saan ang mass media ay maaaring maging plataporma para mapalaganap ang wikang Ingles.
Ipinunto pa ni Benitez na ang kasanayan ng mga Pinoy sa Ingles ay madalas binabanggit bilang pangunahing salik sa paglago ng business process outsourcing industry, kaya naman binansagan ang Pilipinas bilang ''call center capital of the world.''
''We must therefore help younger generations acquire English in different settings, and through different media, to enable them to communicate better and explore new horizons, in terms of employment and social interaction," saad ng mambabatas.
Sa halip na Filipino dubbing, dapat na magkaroon ang mga audiovisual production, broadcasting, film distribution at streaming services ng Filipino subtitles sa English-language na mga pelikula at programa sa telebisyon; sa kondisyong mayroon ding English-language closed captions bilang opsiyon sa English-language audio content, alinsunod sa Republic Act 10905.
Gayunman, hindi kasama sa pagbabawal ang mga patalastas at mga programa sa telebisyon na ipinalalabas mula 1 a.m. hanggang 6 a.m. Philippine Standard Time. — VBL, GMA Integrated News