Kinaantigan ang hindi matatawarang pagmamahal ng isang ama, na number one supporter ng kaniyang anak sa mga sinasalihan nitong gay pageant.
“Running for summa cum laude siya. High school, college, walang tuition talaga sa kaniya. Kaya kahit sa [ganitong] paraan, naibabalik ko sa anak ko… Suportahan sa pageant, sa school,” sabi ni Joselito Ramos, ama ni Violet Huelar, sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed.
“Kaya kong isuporta sa kaniya, naibibigay ko,” dagdag ni Tatay Lito.
Maagang bumabangon si Tatay Joselito araw-araw upang matiyak na ligtas na makakasakay si Violet sa pagpasok nito sa paaralan.
Kapag wala nang masakyan si Violet, pinipilit niya naman itong ihatid kahit na may trabaho pa siya.
“May pagkakataon na ‘di ko siya nahahatid minsan ‘pag may pasok ako. Pero ‘pag may free time talaga ako, pinipilit ko siyang ihatid sa school. Tapos sasabihin niya ‘Papa, uwi ka na para makapagpahinga ka na,’ gano’n sinasabi niya sa akin. Basta importante maihatid ko siya especially ‘pag may exam siya, kailangan makarating maaga, huwag mata-traffic,” sabi ni Tatay Lito.
Ipinakikita ni Tatay Lito ang kaniyang pagiging proud father dahil lagi siyang nakasuporta sa mga pageant ni Violet.
“‘Pag sa pageant, ‘pag may laban siya kahit nagpupuyat kaming mag-asawa, anak ko talagang natutuwa naman ako. Very supportive ako sa anak ko,” saad ni Tatay Lito.
Para masuklian ang sakripisyo at suporta na ibinibigay ng kaniyang ama, sinisipagan ni Violet sa pag-aaral.
“Sa pagsasabi ko sa kaniya lagi ng ‘I love you,’ minsan nga naiyak na lang ako sa likod niya, ‘pag nagda-drive ‘yan kasi sobra po talaga ‘yung nararamdaman ko ‘yung pagmamahal ni Papa nag-o-overflow. I can’t explain, I can’t contain it, sobrang nag-o-overflow siya. Kaya I’m very blessed, sa paraang ganoon ko na lang naibabalik,” sabi ni Violet.
Anumang pageant ang lahukan ni Violet, hinding hindi mawawala sa kaniya ang korona bilang “Tatay Lito’s Princess.”
Ngayon pa lang, nangangako na si Violet na balang araw, siya naman ang magbibigay at hindi magsasawang susuporta sa kaniyang mga magulang.
“Gagalingan ko pa sa school, sa work kasi marami pa akong gustong ibigay para sa Papa ko at saka sa Mama ko na hindi ko pa gano’n naibibigay because of the education and alam kong naiintindihan nila ‘yon, but soon, malapit na, ga-graduate na,” sabi ni Violet. — VBL, GMA Integrated News