"Malapit na ko kunin ni Lord." Ito ang nakasaad sa text message ng isang 16-anyos na lalaki bago siya masawi makaraang dumausdos at bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang poste sa Mangaldan, Pangasinan.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galvan sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, ipinakita ang CCTV footage na kumislap ang kalsada habang dumadausdos ang motorsiklo na minamaneho ng biktima hanggang sa bumangga siya isang poste ng kuryente sa Barangay Buenlag.
Ayon sa pulisya, galing sa bayan at pauwi na ang biktima nang magtangka siyang mag-overtake sa isang tricycle pero nasagi niya ito kaya nawalan siya ng kontrol sa manibela.
"Nasagi yung ang tricycle [at pagkatapos] nawalan [siya] ng kontrol sa pagmamaneho kaya nag-slide at tumama sa poste ng kuryente," ayon kay Police Captain Rommel Dulay, spokesperson ng Mangaldan Police Station.
Sa isa pang kuha ng CCTV camera, nakikita na nakahandusay na sa gilid ng kalsada ang biktima.
Ayon sa ama ng biktima na si Bong Aquino, tila nagkaroon na ng pangitain ang kaniyang anak sa mangyayaring aksidente batay sa ipinadala nitong text message sa kaibigan bago man nangyari ang sakuna.
Sa text message, inihayag ng biktima ang kaniyang napanaginitan na "malapit na ko kunin ni Lord" dahil sa isang aksidente.
Nalulungkot at nanghihinayang si Aquino na sana ay nalaman niya agad ang tungkol sa panaginip ng anak na maaaring nakagawa sila ng paraan upang nailayo ito sa disgrasya.
"Siguro alam na niya ang mangyayari sa kaniya pero sana man lang inopen niya sa akin para at least makontra namin," sabi ng nagdadalamhating ama. -- FRJ, GMA Integrated News