Nasawi ang isang transgender woman ilang araw makaraang sakalin at gulpihin umano ng dalawang suspek na kasama niya sa inuman sa Pasig City. Ang lahat, nagsimula umano sa biruan.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabing nangyari ang inuman sa 29-anyos na biktimang si "Shaina," noong Marso 1, sa Barangay Pineda.
Binibiro umano ang biktima ang isa sa mga suspek at inawat siya ng isa pang suspek na LGBTQ member din.
Nang hindi umano tumigil ang biktima, nagalit ang suspek na LGBTQ member at sinakal siya.
“Ang inaasar ng biktima ay yung isang suspek na hindi LGBTQ. 'Yung 21 years old. Ngayon inaawat siya nung LGBTQ pero ayaw magpaawat kaya ang ginawa nung LGBTQ, base sa testimonya ng mga witnesses, sinakal niya iyong biktima hanggang sa hindi na siya makahinga,” ayon kay Police Major Loreto Padilla, chief investigator ng Pasig City Police.
Ang isa pang suspek, imbes na umawat ay binugbog pa umano ang biktima, sabi pa ni Padilla.
Ayon sa mga testigo na kasama rin sa inuman, nakita nilang may lumabas na dugo sa tenga, ilong at bibig ng biktima nang mangyari ang pananakit.
Sa kabila nito, nakauwi pa ang biktima pero hindi sinabi sa kaniyang ina ang nangyari. Pagkaraan ng tatlong araw, dumaing ang biktima na masakit ang ulo kaya siya dinala sa ospital.
Pero nitong Marso 7, pumanaw ang biktima.
“’Yung isang suspek natin is parehas niya rin na LGBTQ, 26 yrs old siya. Yung isa naman ay 21 yrs old unemployed, walang trabaho. Hindi natin masabi sa ngayon kung sino nakapuro sa kanila pero base sa tinamong tama ay pinagtulungan talaga siyang bugbugin,” ayon kay Padilla.
Sinampahan na ng kasong homicide ang dalawang suspek.
Sa burol ng kaniyang anak, iginiit ng ina na nais niyang mabigyan ng katarungan ang sinabpit ni Shaina.-- FRJ, GMA Integrated News