Nahaharap sa mabigat na kaso ang isang Filipino-American doctor sa Queens, New York, kaugnay sa umano'y pagkakasangkot sa anomalya at pagtanggap ng kickback kaugnay sa healthcare insurance.
Naglabas ng federal grand jury sa New Jersey ng superseding indictment o inamyendahang mga kaso patungkol sa healthcare fraud, conspiracy to defraud the United States, at soliciting healthcare kickbacks na nagkakahalaga ng kabuuang $20.7 milyon o katumbas ng P360 milyon.
Batay sa court documents, tumanggap umano si Dr. Alexander Baldonado, 68-anyos, ng cash kickbacks mula sa isang laboratory representative at iba para aprubahan ang mga order para sa laboratory tests na siningil sa Medicare.
Inaprubahan din umano ng akusado ang COVID-19 tests at mga hindi kailangan na cancer genetic tests sa isang COVID-19 testing events.
Hindi umano hiniling ng mga pasyente ang naturang mga tests, hindi nagamit sa pagpapagamot, at halos walang inilabas na resulta.
Siningil din umano ni Baldonado ang Medicare ng mga pagbisita sa mga pasyente na hindi naman niya ginawa.
"In addition, Baldonado allegedly engaged in a scheme to defraud Medicare and Medicaid by soliciting and receiving cash kickbacks and bribes from an owner of a durable medical equipment supply company in exchange for ordering orthotic braces that were medically unnecessary and ineligible for reimbursement," saad sa pahayag mula sa Office of Public Affairs ng US Department of Justice.
Kung mapapatunayang nagkasala, maaaring makulong si Baldonado ng hanggang 10 taon sa bawat "count" sa conspiracy to commit healthcare fraud (1 count), healthcare fraud (6 counts), at soliciting healthcare kickbacks (1 count).
Bukod pa rito ang hanggang limang taon na pagkakakulong sa bawat "count" sa conspiracy to defraud the United States at pagtanggap ng healthcare kickbacks.
"A federal district judge will determine any sentence after considering the U.S. Sentencing Guidelines and other statutory factors," ayon pa sa pahayag.
Nagsasagawa rin ng imbestigasyon ang Human Services Office of Inspector General (HHS-OIG), at ang Federal Bureau of Investigation (FBI) kaugnay sa pangyayari.
"An indictment is merely an allegation. All defendants are presumed innocent until proven guilty beyond a reasonable doubt in a court of law," paglilinaw din sa pahayag.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag si Dr. Baldonado kaugnay sa kinakaharap niyang kaso. — mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News