Sinabi ng isang testigo na dumalo sa pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Senadora Risa Hontiveros na nakakuha umano ng mga baril na nasa mga bag sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at anak niyang si Vice President Sara Duterte mula kay Pastor Apollo Quiboloy, lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality nitong Lunes, sinabi ng testigo na itinago sa Alyas "Rene," na nakuha umano mag-amang Duterte ang mga armas sa "Glory Mountain" kung saan dati siyang landscaper.
"Ako po ay naging landscaper ni Quiboloy sa Glory Mountain at doon ko na po naranasan ang pananakit mismo sa kamay ni Quiboloy... Sa Glory Mountain, 'pag dumadating si Quiboloy sakay ng chopper, may dala po siya na malalaking bag na laman po ang iba-ibang uri ng baril at nilalatag po ito sa tent na katabi po ng mansyon niya," sabi ni Rene.
"Minsan po pumupunta doon din si former President Rodrigo Duterte at former Davao mayor Sara Duterte. 'Pag umaalis na sila doon sa Glory Mountain, dala na po nila yung mga bag na siya pong bag na nilalagyan po ng mga baril," patuloy niya.
Makikita ang Glory Mountain na pag-aari umano ni Quiboloy sa Davao City, na kilalang balwarte ng mga Duterte.
Sinisikap pang makuha ng GMA Integrated News ang panig ng mag-amang Duterte, gayundin mula sa dating executive secretary ni ex-presidente Durterte na si Salvador Medialdea, at kilalang kaalyado niya na si Sen. Bong Go.
Sa testimonya ni Rene sa komite, sinabi rin niya na nag-aalok ng pekeng scholarship ang KOJC para makahikayat ang mga kabataan na sumapi sa grupo.
Kuwento ni Rene, nang maging "full-time" siya sa KOJC, inutusan siyang mamalimos sa mga kalye, plaza, at restaurant, at binigyan ng "quota" na P3,000 kada araw na kailangang makuhang limos.
"Kung hindi ko maabot ang aking goal ay papaluin at 'di ako papakainin... Pag ber months naman po, o mula September to December, ay mas puspusan ang aming pamamalimos. P1.5 million ang aking goal na kailangan makuha at maibigay kay Quiboloy sa loob ng apat na buwan. Kaya 8 a.m. to 11 p.m. ako namamalimos, halos wala na pong pahinga at kain. Gumagamit kami ng mga fake charity para mas nakakaawa kami tingnan," pahayag niya sa komite.
Nagsimula raw magduda si Rene sa KOJC nang maging youth leader na siya at inatasang mag-recruit ng mga kabataan para sumali sa kanilang religious group na mamamalimos din.
"Noong nahalata nila na ako na ay may agam-agam, pinadala ako sa Central Headquarters sa Davao. Akala ko ay matutupad na ang pangako nila sa akin na papag-aralin sa Jose Maria College pero dinala lang pala ako sa Glory Mountain kung saan dito dinadala ang mga 'sanctioned workers' o yung hindi nakakakuha sa mga quota o kailangan ng pagwawasto," ayon kay Rene.
Sa Glory Mountain, nakaranas umano si Rene ng pananakit mula kay Quiboloy kapag hindi ito nasiyahan sa kaniyang trabaho bilang landscapers.
Noong 2020, sinabi ni Rene na hiniling niya makauwi siya dahil sa naranasang pananakit mula kay Quiboloy pero hindi siya pinayagan. Sa halip, itinalaga siya bilang personal assistant ng isang nagngangalang Jun Andrade, na isa umanong mataas na opisyal ng KOJC.
Sa pagkakataong ito, nakaranasan naman siya ng sekswal na pang-aabuso.
Nagsumbong daw si Rene sa KOJC Executive Secretary na si Eleanor Cardona, pero pinagalitan at sinampal daw siya nito.
Noong kalagitnaan ng 2020, itinalaga naman siyang researcher sa SMNI, na pinapatakbo rin umano ng religious organization. Habang nagtatraho sa news outlet, pinamamalimos pa rin siya.
Dahil nakaranas din ng pagmamalupit sa isang Tina San Pedro sa SMNI, sinabi ni Rene na kumalas na siya sa KOJC noong 2021. Pero pinagsabihan umano siya ng isang Marlon Rosete, na CEO umano ng news outlet, na huwag magsasalita tungkol sa kanilang religious organization, lalo na ang mga nangyari sa Glory Mountain.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang komite ni Hontiveros tungkol sa umano'y human trafficking at sexual abuses na kinasasangkutan ni Quiboloy at KOJC.
Sinabi ni Hontiveros na mayroon nang subpoena ang Senado laban kay Quiboloy para obligahin itong humarap sa pagdinig ng komite. —mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News