Ano kaya ang masasabi ng Filipino historian na si Ambeth Ocampo ngayong nakita na niya nang personal at harapan ang babae na mula sa Davao City na nag-viral kamakailan dahil sa malaking pagkakahawig sa litrato ng kaniyang namayapang ina na si Belen Ocampo.
Sa social media, ibinahagi ni Ocampo ang photo nila ni Veronica Balayo, na bumisita kamakailan sa National Museum. Doon nakita ni Balayo ang foto-oleo o lumang litrato ni Belen.
"Veronica Balayo from Davao visited the National Museum, saw my mother's photo-oleo, noticed an uncanny resemblance, and asked if she was reincarnated," saad ni Ocampo sa caption.
Sa naunang Tiktok post ni Balayo, hindi siya makapaniwala na kamukha niya ang babae sa lumang larawan na kinalaunan ay natuklasan niyang si Belen Ocampo.
"Found this photo of a girl, and it kinda looks like... me, now and then?" saad ni Balayo sa post. "Am I her reincarnation?"
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," inihayag ni Ocampo ang kagustuhan na makita si Balayo nang personal, na nangyari naman sa naturang episode.
Ayon kay Ocampo, "interesting thing" kung gaano kalaki ang pagkakahawig ni Balayo sa kaniyang ina.
"Mukhang kamukha," sabi ni Ocampo.
Sinabi ni Balayo kay Ocampo na hangad niyang maging katulad ni Belen, "and have a very nice life, very fun. Having kids someday and being proud of them someday."
Bukod sa libro, nagpabaon din ng mensahe ang historian sa babaeng kamukha ng kaniyang ina, "Ang importante talaga na meron kang sarili mong career and that you find the right husband. My mother was career-oriented. Marami siyang pinasok na trabaho. Which I think is what a modern woman is. Independent. With independent income from your husband." —FRJ, GMA Integrated News