Masakit man sa kalooban ng pamilya, wala silang magawa kung hindi ikadena at hayaang manatili sa tila scaffolding o tungtungan ang kaanak nilang babae matapos na magkaroon siya ng problema sa pag-iisip habang nagbubuntis noon sa edad na 18.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang babae na itinago sa pangalang "Jane," na walang saplot sa katawan na tila laging nakatingin sa kalangitan sa isang liblib na sitio sa Sen. Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat.
Wala ring bubungan o dingding ang kaniyang kilalalagyan, dahil sinisira umano ni Jane, gaya ng ginagawa niya sa kaniyang kasuotan kapag binibihisan siya.
Kaya naman lantad si Jane sa init ng araw, o lamig ng panahon, at maging sa buhos ng ulan.
Ayon sa kaniyang mga kapatid, hindi sa lahat ng pagkakataon ay nalalapitan nila si Jane. Pero napapakain nila ito at napapaliguan kung nais niya.
Kuwento ng ama ni Jane na naging baldado noong nakaraang taon matapos na mahulog sa bangin, nagbago ang pag-iisip ni Jane nang mabuntis ito sa edad na 18.
Nang nasa ikalimang buwan na ang ipinagbubuntis ni Jane, hiniwalayan siya ng lalaki. Nagsimula na rin umanong manakit ng kaniyang anak, at sinasaktan maging ang kaniyang sarili.
Mabuti na lamang at ligtas pa rin na isilang ni Jane ang kaniyang anak na anim na taong gulang na ngayon at nasa pangangalaga ng kaniyang lola.
Sa mga pambihirang pagkakataon na nakakausap si Jane, sinasabi umano nito sa kapatid na ipagamot siya. Pero dahil sa kanilang kahirapan, hindi naman magawa ng pamilya.
Hanggang sa mayroong nagmalasakit na idinulot sa "KMJS" ang sitwasyon ni Jane sa pag-asang matutulungan siya.
Kaya naman nakipag-ugnayan ang KMJS sa pamahalaang panlalawigan ng Sultan Kudarat at sa kanilang rural health unit para puntahan at tulungan si Jane.
Ngunit ang malaking katanungan, kusa kayang sasama si Jane para maipatingin siya sa doktor at may pag-asa pa kang maibalik siya sa dati niyang kaisipan? Panoorin ang kaniyang nakakaantig na kuwento sa video ng "KMJS."-- FRJ, GMA Integrated News