Nagbabala ang isang anti-scam watchdog sa publiko laban sa mga manloloko na hahanapin ang kahinaan ng puso ng kanilang bibiktimahin para mahuthutan ng pera.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, inihayag ng Scam Watch Pilipinas ang walong uri ng love scammer na inaasahang mas magiging aktibo ngayong Pebrero na buwan ng pag-ibig.
“Mag-ingat sa inyong puso ‘wag padalos-dalos, may love scam. Pairalin natin ang utak kung scam o hindi,” paalala ni Undersecretary Alexander Ramos, Executive Director, Cybercrime Investigation and Coordinating Center.
“Wala naman problema kapag naghahanap kayo ng ka relasyon sa online. Ang red flag talaga diyan, magiging biktima ka oras na nagbigay ka rin ng pera,” sabi naman ni Police Colonel Jay Guillermo, Philippine National Police - Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) Chief, Cyber Response Unit.
Ang walong profiles of umano ng love scammer ay:
- The sad gurl/boi, na gumagamit ng malulungkot na kuwento para magmukhang kawawa at susundan ng pangungutang o paghingi ng pera;
- The seducer, na na gagamitin ang kaniyang kagandahan at kagwapuhan para makapanghuthot din ng pera;
- The investor, na nagkukunwaring mga big-time para manghikayat kunwari ng investment pero itatakbo ang pera ;
- The serviceman, na nagpapanggap na nasa military service para makapangloko rin;
- The escort, na gumagamit ng mapang-akit na mga profile picture sa social media;
- The blackmailer, ang mga pa-fall na hihingi ng maseselang larawan o video kapag nakuha na ang tiwala ng biktima para gamitin niyang pang-blackmail;
- The slow burn, ang mga manloloko na matiyagang manuyo kaya tila harmless kaya makukuha ang tiwala ng biktima;
- The predator, ang mga may-edad na mga mas bata sa kanila ang target na biktima.
Ayon kay Jocel De Guzman, co-founder of ScamWatch, ang pinakamasakit sa panloloko ay paiibigin talaga ang biktima.—FRJ, GMA Integrated News