Inihayag ng isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) na balisa at hindi makausap nang matagal ang isa sa dalawang Pilipino na inaresto sa Japan dahil sa pag-abandona umano sa bangkay ng mag-asawang Hapon.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyenes, sinabing binisita na ng Consul General ng Philippine Embassy sa Tokyo sa kaniyang detention cell ang inarestong si Bryan Dela Cruz.
“He’s very emotionally distraught, kaya hindi puwedeng... hindi makatagal ‘yung mga interview. The only thing he said was, he felt a great wound or parang, I don't know if it’s a physical wound,” sabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega.
Nilinaw din ni de Vega, na ang pag-aresto kina Dela Cruz at isa pang Pilipino na si Hazel Ann Baguisa Morales, ay kaugnay nang pag-abandona nila sa bangkay ng mag-asawang Japanese na natagpuang duguan ang bangkay.
Patuloy pa umano ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad ng Japan, at sa ngayon ay hindi pa itinuturing suspek sa krimen ang dalawang Pilipino.
“So far, ‘di pa tapos ‘yung criminal investigation. At ang only suspicion sa kanila, ‘yung tinatawag na abandonment of corpse. So tingnan natin, by next week tapos na ‘yan,” anang opisyal.
“Tingnan natin kung sasampahan sila ng kaso ng piskalya ng Hapon at kung anong charge," sabi pa ni de Vega.
Ayon pa kay de Vega tungkol kay Dela Cruz, "Wala siyang ibinigay na indication, kahit na patago, na responsible nga siya, na tulungan siya.”
Sa CCTV footage, nakita ang dalawang Pilipino na lumabas ng bahay ng mag-asawang biktima na sina Norihiro at Kimi Takahashi noong January 16, ang araw na nakita ang kanilang duguang katawan.
Hindi naman naniniwala ang ina ni Dela Cruz na magagawa ng kaniyang anak ang krimen.
“Pinalaki ko pong mabuting tao ‘yung anak ko. Masakit po sa amin bilang magulang dahil nasangkot sa ganitong problema ‘yung anak ko,” ayon sa ginang. —FRJ, GMA Integrated News