Kahit peligroso, sinasakyan ng ilang mag-aaral ang ginawang tramline sa kanilang barangay para sa "shortcut" at mapabilis ang kanilang pagtawid sa mga bundok upang pumasok sa eskuwelahan sa Banaue, Ifugao. Ang tramline, ginawa hindi talaga para sa tao kung hindi para sa pagbiyahe ng mga produkto.

Sa "The Atom Araullo Specials," makikita ang grade 6 students na sina Jamboy Pit-Ong at ang pinsan niyang si Judel, na mahaba ang nilalakad araw-araw para makarating sa pinapasukan nilang eskuwelahan dahil walang paaralang malapit sa kanilang lugar.

Para sa mga gamit at produktong pang-agrikultura lang sana ang tramline, ngunit sinasakyan din ito ng ibang residente para bumilis ang kanilang biyahe sa pagtawid sa mga bundok.

Hinihila na lamang ngayon ang tramline mula nang masira ito. May taas na halos 140 talampakan ang pinupuwestuhan ng tramline at wala na ring pinto. Dahil hindi naman ito talaga para sa tao, kaya wala rin itong upuan o harness para sa mga sumasakay.

Nilinaw ng kapitan ng barangay na bawal talaga ang pagsakay ng mga tao sa tramline dahil mapanganib ito. Ngunit hindi naman nila ito mabantayan sa lahat ng oras.

Isa sa mga nakikitang solusyon sa problema ay ang pagtatayo ng multi-grade school para hindi na sumakay pa ng tramline at tumawid ng ilog ang mga estudyante.

Ngunit bukod sa panganib sa pagsakay sa tramline, isa pang malaking pagsubok na kinakaharap ng mga mag-aaral sa Banaue ang mismong uri o kalidad ng kanilang edukasyon.

Bagama't nakababasa ng Ingles si Jamboy, lumalabas na hindi naman niya ganap na nauunawaan ang kaniyang binabasa. At hindi nag-iisa si Jamboy.

Nababahala si Elizabeth Huagon, guro nina Jamboy, na hirap ang marami sa kaniyang mag-aaral sa wikang Ingles. Kaya naman isinasalin niya ang mga leksyon sa lokal na nilang salita para maintindihan ng mga estudyante.

"What's the use of reading and reading kung hindi rin nila naintindihan? And then you keep on speaking in English and Filipino and they didn't understand. Kaya we translate in our own dialect," paliwanag ni Huagon.

"Talagang nakaka-worried 'yun. Paano po sila maka-cope up sa lesson namin kung ganu'n sila. When they go to high school, nagda-drop sila," dagdag ni Huagon.

Ngunit bukod sa problema sa empraestruktura patungkol sa edukasyon gaya ng kakulangan ng paaralan at silid-aralan, malaki rin ang kakulangan pagdating sa mga kagamitan.

Tunghayan ang iba pang kuwento ng pagtitiis ng ilang estudyante para sa edukasyon gaya ng mga mag-aaral sa Santa Barbara, Pangasinan na sinusuong ang ilog sakay ng lumang balsa upang makarating lang sa kanilang paaralan.

Panoorin ang buong kuwento.



-- FRJ, GMA Integrated News