Dalawang college students sa Cebu ang inaresto kamakailan matapos silang magpa-picture nang naka-"dirty finger" habang may dalawang pulis na nasa kanilang likuran. Ano nga bang batas ang maaaring ikaso laban sa kanila?
Sa segment na Kapuso sa Batas sa GMA News "Unang Hirit," ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion, na posibleng harapin ng mga estudyante ang slander by deed sa ilalim ng Article 359 ng Revised Penal Code.
Ang slander by deed ay isang uri ng paninirang puri o nakasisira ng reputasyon, dignidad, o karangalan ng isang tao. Kung sa paraan ng sulat, ito ay libel, ngunit kung sa salita naman, ito ay oral defamation.
Kung ayon naman sa kilos, maaari itong slight o serious na defamation, depende sa "circumstances" ng mga pangyayari.
Sa kaso ng dalawang estudyante sa Cebu, sinabi ni Atty. Concepcion na dapat ikonsidera kung idinirekta nga ba ng mga estudyante sa mga pulis ang ginawa nilang pag-dirty finger.
Posible rin kasing walang alam ang mga estudyante sa pangyayari at nahagip lamang sa kanilang larawan ang mga pulis.
"So while a case of using the dirty finger sa isang tao ay maaaring kaso ng slander by deed, dapat ito ay malinaw na ginawa para masira ang honor o reputasyon ng taong subject nito. So we have to investigate further," paliwanag ni Atty. Concepcion.
Kung sakaling sinadya nila ang kuha, pinost at shinare (share) pa sa social media, ang slander by deed ay maaaring magkaroon ng penalty na kulong ng apat na buwan at isang araw, hanggang dalawang taon at apat na buwan.
"We should be careful, hindi porke sasabihin niyo na may freedom of expression tayo ay puwede na nating gamitin ito para saktan o siraan ang ibang tao," paalala ni Atty. Concepcion.
Kung hindi naman malinaw kung sinadya, maaari naman itong maging kaso ng unjust vexation, kung saan kasama ang lahat ng matinding pagka-inis, asar, pagkabagabag ng damdamin ng isang tao, sa ilalim ng Revised Penal Code.
Ang unjust vexation ay may kulong na hanggang isang buwan or 30 araw.
Ngunit kung pinost ito online, tataas ang penalty ng isang degree dahil sa cybercrime law.
"Mahirap 'yung bata pa lang kayo, meron na kayong criminal record. 'Pag kumuha kayo ng NBI clearance, hindi kayo clear. Kasi merong kasong criminal record," paalala ni Atty. Concepcion.
Sa ulat ng GMA Regional TV, sinabing ibinasura ng piskalya ang reklamong unjust vexation laban sa dalawang estudyante na inaresto noong Enero 21, 2024.
Nangyari ang insidente kasabay ng pagdiriwang ng 459th Fiesta SeƱor and Sinulog Festival 2024, kung saan bahagi ng security forces ang dalawang pulis.
Bukod sa kinatigan ng piskal ang motion to quash ng kampo ng mga estudyante, tinanggap din umano ng mga pulis ang paghingi ng paumanhin ng dalawang estudyante.
Nauna nang ipinaliwanag ng dalawang estudyante na hindi para sa mga pulis ang ginawa nilang pag-dirty finger sa larawan.--FRJ, GMA Integrated News