Ang pagtunghay sana sa Christmas display sa city hall ng Dapitan, Zamboanga del Norte, nauwi sa pagkasawi ng isang babae, ayon sa ulat ni Krissa Dapitan ng GMA Regional TV One Mindanao sa 24 Oras Weekend ngayong Linggo.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Dapitan City Police, namasyal ang 24-anyos na biktima sa Dapitan City Plaza kasama ang limang-taong gulang na pamangkin para saksihan ang Christmas decor sa lugar.
Umupo raw ang biktima sa isang stainless steel railing, at aksidenteng nahulog sa mga ilaw sa hardin.
Sa video, makikitang umuusok pa ang bahagi ng halamanan kung saan nahulog ang biktima.
Nang rumesponde ang CDRRMO Dapitan at ang kapulisan, dinatnan nilang walang malay ang biktima. Isinugod siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
Ayon sa Dapitan City LGU sa isang pahayag, aakuin daw nila ang lahat ng pangangailangan ng pamilya ng biktima.
Bilang pag-iingat, pansamantalang inihinto ng LGU ang pagpapailaw sa mga dekorasyon sa city hall plaza
para sa kaligtasan ng publiko at habang nag-iimbestiga ang pulisya at ng lokal na pamahalaan sa insidente. — BM, GMA Integrated News