Aabot na raw sa kalahating milyong piso ang halaga ng mga napanalunan sa raffle at promo ng isang lalaki. Sana all, lalo na ngayon na may mga Christmas party!
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing bata pa lang ay tila suwerte na raw talaga sa pa-raffle si Romel Romelo.
Kasi naman, pinabili lang siya ng suka sa tindahan ng kaniyang nanay, aba'y nanalo na.
"Grade 5 ako, sabi ng nanay ko, 'bumili ka doon ng suka.' Yung pambili ng suka, itinaya ko sa isang tayaan," kuwento ni Romel.
Dahil sa ginawa niya, pinagalitan siya ng kaniyang ina. Pero ang taya niya, tumama ng P1,200.
Taong 2019, sinimulan na ni Romel ang tumaya sa mga raffle online.
Sa Valentines day, may sinaluhan siyang raffle at nanalo siya ng couple watch para sa kanilang mag-asawa.
Sa isang araw, halos 30 promo daw ang sinasalihan ni Romel. at ang kaniyang panalo, halos hindi siya nasi-zero
Ang ilan sa mga napanlunan niya sa raffle, motorsiklo na nagkakahalaga ng P41,000; gas range na halagang P12,000; ipad na naghahalaga ng P37,000, water dispenser na halagang P9,000, at marami pang iba.
Maging sa one year supplies ng groceries, sinuwerte rin siya, at maging sa mga pa-promo sa TV gaya ng "Eat Bulaga," at sa pa-selfie ng "KMJS."
At ang pinakamalaking cash prize na napalunan niya, P100,000 sa Bigay Premyo sa Pasko ng GMA.
Ang naging puhunan daw niya sa pagsali sa mga raffle, nasa P20,000, kumpara sa nasa P500,000 na napanalunan niya sa mga pagsali rito.
Ang ibang gamit na napapanalunan niya, ibinebenta na lang ni Romel para kumita at hindi mapuno ng kasangkapan ang kaniyang bahay.
Dahil sa buwenas sa raffle, nagpasya na si Romel na tumigil sa pagtuturo at ginawa nang full-time ang pagsali sa mga pa-raffle.
Ang asawa ni Romel, aminadong kinabahan sa ginawa ng kaniyang mister. Pero nawala raw ang kaba nang makita niya na bawat linggo ay nanalo naman ito sa mga sinasalihang promo at raffle.
Ano nga ba ang tips ni Romel para suwertihin sa mga promo at raffle, at ano ang masasabi ng financial adviser at psychologist sa ginagawa ni Romel? Alamin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."--FRJ, GMA Integrated News