Natagpuang patay ang isang 15-anyos na babae matapos niyang ireklamo ng panggagahasa ang 13 lalaki na nangyari umano habang piyesta sa Oslob, Cebu. Apat na suspek na ang dinakip, at dalawa sa kanila ang magkapatid.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nadakip ang apat na suspek sa Dalaguete, Cebu na ang edad ay 18 hanggang 20.

Batay sa pulisya, natunton na bahay sa Barangay Poblacion sa Oslob kung saan sinasabing ginawa ang panghahalay sa dalagita na nangyari umano noong December 9.

Nakipiyesta umano ang biktima, habang lumalabas na dayo sa lugar ang apat na nadakip na suspek.

Ayon sa ina ng biktima, inaya ang mga suspek ang kaniyang anak na uminom ng alak.

"Sabi ng anak ko, pinainom siya ng isang baso tapos sinabi niya ayaw na niyang uminom at uuwi na siya dahil may pasok pa kinabukasan. Hindi uso ang eskwela sa mga lalaking 'yon," ayon sa ginang.

"Una tatlo, tapos nagtawag. Binilang niya parang 13 daw, may tumawag na ang sabi, 'halikayo dahil meron na naman tayong bibiktimahin.' Ilang saglit, nakatulog ma siya at nawalan ng malay," patuloy na paglalahad ng ginang batay umano sa kuwento ng anak.

Matapos makapagsumbong sa ina, nagtungo sila sa pulisya noong December 12 para i-report ang pangyayari.

Ngunit kinabukasan, natagpuang wala nang buhay ang biktima.

Ayon sa pulisya, positibong kinilala ng mga saksi ang apat sa mga umano’y suspek.

"Base ito sa aming ginawang tracking, sa tulong ng testimoniya ng mga witness na previously interviewed, as well as CCTV recordings doon sa lugar," ayon kay Police Captain Jan Ace Elcid Layug, spokesperson, CPPO.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong statutory rape na isasampa sa mga suspek, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng iba pang mga sangkot.

Hinihintay din ng pulisya ang resulta sa isinagawang autopsy sa bangkay ng biktima upang alamin ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News Saksi, sinabing pinagpapaliwanag din sa insidente ang sinasabing nobyo ng biktima na kasama nito sa piyesta. -- FRJ, GMA Integrated News