Isang putol na paa ng tao ang natagpuan sa baybayin ng isang beach sa Calatagan, Batangas nitong Sabado ng umaga.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing isang nag-iikot na lifeguard ang nakakita sa paa sa isang beach resort sa Barangay Bagong Silang.
"Sa tingin ko po'y nasa adult na po ito kasi medyo malaki laki na po 'yung paa niya, at sa tingin ko po'y sa isa itong babaeā¦ sa tingin ko lang po ah, hindi pa ho ako sigurado," ayon kay Police Major Emil Mendoza, hepe ng Calatagan Police Station.
Patuloy niya, "Wala pa po kaming matibay na ebidensya pero sa hugis po at sa balat, tingin ko po'y sa babae, or baka dahil epekto laag ng dagat ay kaya ito'y puting-puti."
Dinala ang putol na paa sa isang funeral parlor sa Calatagan kung saan lumuha naman ng DNA sample ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) para ipasura sa forensic unit ng Camp Crame.
Payo ng pulisya sa mga tao, ipagbigay-alam sa kanila kapag may nakikitang bahagi ng katawan ng tao.
"Basta po mga ganiyang bagay ay agad niyo pong ire-report sa amin, at ang kapulisan po ng Calatagan sa inyo pong lingkod na pangunguna ay mabilis po kaming reresponde sa ganitong pangyayari, at sana po tayo ay mag-matyag kung ano po ang nasa kapaligiran natin. Huwag pong magda-dalawang isip na i-report sa amin para po maaksyunan natin," ani Mendoza.