Dalawang saksi ang nakakita umano sa nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon na duguan sa loob ng isang sasakyan, ayon sa opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nagsisiyasat sa kaso.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing halos isang buwan matapos maiulat ang pagkawala ni Catherine, kinilala ng dalawang saksi ang person of interest nang makita nila ito mismo sa isang bakanteng lote sa isang subdivision noong gabi ng Oktubre 12.
“Umiihi roon sa lugar, nakita ng suspek natin, nilapitan at tinutukan sila ng baril. Kaya they were able to identify. Lumapit sa kanila, tinutukan sila ng baril,” sabi ni Major General Romeo Caramat Jr, CIDG director.
Lumuta umano nitong Lunes ang dalawang saksi, na nagbigay ng kanilang mga sinumpaang salaysay sa CIDG.
Ayon sa dalawang saksi, may nakita rin silang tatlong lalaki sa lugar bago nila makita ang person of interest noong gabi ng Oktubre 12.
“Nakita nila ‘yung biktima na duguan sa ulo, inililipat from the victim’s car to another car. At nakita nila na duguan, nililipat ng tatlong lalaki,” sabi ni Caramat.
Ayon pa sa pulisya, personal driver ng isa pang person of interest ang nakita ng mga saksi na nanutok sa kanila ng baril.
Positibo raw na kinilala ng mga saksi ang person of interest dahil sa mga tattoo at pisikal na anyo nito.
Nakikita ng CIDG na love angle ang posibleng motibo sa kaso ng pagkawala ni Catherine.
“Quarrel among this victim at saka ‘yung suspek, na allegedly it is an open secret that they have a love relationship. Very obvious na doon sa sasakyan nakitang duguan ‘yung ulo ng biktima natin. It’s either hinampas ng baril or binaril doon mismo sa loob ng sasakyan,” sabi ni Caramat.
Ayon pa sa CIDG, hindi basta-basta ang person of interest na kanilang tinitignan dahil isa itong police officer.
Ngunit lumilinaw na ang takbo ng imbestigasyon sa paglutang ng dalawang saksi.
Patuloy sa pagkalap ng ebidensya ang CIDG para mas mapagtibay ang kaso laban sa suspek, bagama’t sapat na ang mga ebidensya na kanilang hawak. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News