Inihayag ng tambalang Francine Diaz at Seth Fedelin ang kanilang pananaw tungkol sa pagtataksil o cheating, na isa sa mga mainit na usapin ngayon.

“Ang cheating kasi, bawal ‘yan, unang-una. Yes, tao ka, pero ang cheating, tine-take ko po ‘yan as yabang sa sarili ko eh. Hindi mag-cheat, mayabang ako ah, hindi gano'n. Kumbaga, hindi ko ‘yon ginagawa para maipagmalaki ang sarili ko,” paliwanag ni Seth.

"Pero hindi ko iboboses sa tao na hindi ako magchi-cheat para mas maramdaman ko na dapat akong mahalin," dagdag niya.

"Kaya dapat worth it ako, kasi hindi ko kayang gawin sa 'yo ‘yan," pagpapatuloy ng aktor.

Diretsahan ding sinagot ni Seth na hindi pa siya nagtaksil sa kaniyang mga relasyon. "No po," aniya.

"Unang una sa lahat, hindi ka magchi-cheat kapag totoong nagmamahal ka," sabi naman ni Francine.

“Hindi kailangang ma-test ‘yung loyalty mo, hindi kailangang ma-test ‘yung pagmamahal mo sa isang tao, at hindi dapat papasok ever sa isip mo na gusto kong mag-cheat,” pagpapatuloy ng dalaga.

Ayon kay Francine, may takot siyang gawin ito, dahil na rin sa kaniyang kinalakihan kung saan relihiyosa ang kaniyang ina.

"'Yun ang isang bagay na hindi ko magagawa. Ikaw mismo sa sarili mo, mararamdaman mo ‘yon na hindi tama eh,” sabi niya.

"Ako din po kung magmahal ako, talagang ito lang eh. Diretso lang ‘yung daan, walang right, walang left, walang U-turn, walang roundabout. It’s just straight," sabi pa ni Francine.

Bida sina Francine at Seth sa 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na “My Future You,” sa direksyon ni Crisanto Aquino.

Mapanonood na ito sa mga sinehan sa Pasko, Disyembre 25. —VBL, GMA Integrated News