Binalikan ni Francine Diaz kung paano nagtapat sa kaniya ng damdamin ang kaniyang ka-loveteam na si Seth Fedelin. Ang aktor naman, sinabing "mahal" niya ang dalaga.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, nagbalik-tanaw sina Francine at Seth kung paano inamin ni Seth na crush niya ang aktres.
Ayon kay Seth, "mas naintriga" siya noong una niyang makita si Francine, at tumango nang tanungin ni Tito Boy kung nakaramdam na agad siya ng spark o kilig.
Sinimulan ni Seth ang kuwento kung paano siya umamin ng kaniyang damdamin kay Francine. Pauwi na sila noon mula sa taping ng isang out-of-town na show.
"Nasa eroplano po 'yon, magkatabi ng upuan tapos nakinig kami ng music," kuwento ni Seth. "Isa kami ng earphones. Tapos nakikinig kami ng OPM songs."
Ayon naman kay Francine, masakit ang kaniyang tainga noon, kaya inaliw siya ni Seth ng pakikinig ng music.
Dito nagtapat sa kaniya si Seth.
"Tapos biglang sabi niya, 'Alam mo ba crush kita?' Tapos sabi ko 'Hmm jino-joke mo lang naman ako eh,' tapos tawa siya nang tawa. 'Sabi ko 'Bakit mo ko crush?' Sabi niya, 'Kasi 'pag nakikita kita sa taping, lumiliwanag 'yung mundo ko.' Tapos tumatawa lang ako sa kaniya," sabi ni Francine.
"'Lumiliwanag 'yung araw ko, sumasaya ako, parang ang gaan-gaan mo kausap.' Hindi raw ako makabasag pinggan," pag-alala pa ni Francine na sinabi sa kaniya ni Seth.
"Sabi ko, 'Hmm, mawawala rin 'yan.' tapos wala na, 'yun na 'yung end of story," pagtatapos ni Francine.
Hanggang sa tinanong ni Tito Boy si Seth kung kailan ito nagsabi ng "I love you" sa dalaga.
"Alam niyang mahal ko siya," sabi ni Seth, bago nagpaliwanag. "Ang pagmamahal, maraming klase ng pagmamahal."
Ngunit birong humirit si Tito Boy ng ''Seth, huwag mo akong paikutin."
"Maraming klase ng pagmamahal, pagmamahal sa magulang, pero alang nga namang magulang si Francine. 'Yung kapag sinabi mong 'Mahal ko si Francine,' mahal mo si Francine," giit ni Tito Boy.
Si Seth, napatingin na lamang sa camera, bago tumawa na tila nahuli sa kaniyang sinabi.
"Alam niyo na 'yun," saad ng binata.
"Oo, alam na namin 'yun," sabi ni Tito Boy.
"Merry Christmas!" sabi ni Seth. —VBL, GMA Integrated News