Game na sinagot ni Royce Cabrera ang mga tanong sa cooking-talk show na "Lutong Bahay" kung sino ang artista na nakasama niya sa intimate scenes ang nagkaroon siya ng "feelings?" Ang sagot niya, isang aktres na nakasama niya sa isang pelikula.
Sa segment na “Kitchen-terrogate” ng Lutong Bahay, tinanong ng host na si Mikee Quintos si Royce kung sino sa mga nakasama niya sa intimate scenes ang nagkaroon siya ng feelings .
Sandaling napaisip si Royce, at tinukoy niya ang aktres na si Yayo Aguila.
“Siguro 'yung ano, 'yung eksena namin ni Miss Yayo doon sa movie namin [F#*@bbois],” saad ng aktor.
Paliwanag niya, “Kasi ang tagal nun eh. Kung mapapanood mo, ang tagal nu'n. Parang two minutes naming ginawa 'yung scene na 'yon.”
“So parang sa tagal, parang alam mo 'yun, nawala na kami sa eksena. Kumbaga ginawa na namin na parang 'ito na' para lang tuloy-tuloy na kasi walang cut eh,” patuloy niya.
“With all due respect kay Miss Yayo Aguila,” pahabol ni Royce.
Sa naturang panayam din, ikinuwento ni Royce ang tungkol sa isang artista na sinungitan siya habang nasa stand-by room sa kanilang proyekto na indie film.
Ayon kay Royce, inaayusan na siya ng make-up artist nang dumating ang veteran actor na late na dumating sa set dahil late din umanong sinabihan.
"Nakatayo lang siya sa gilid namin. Tapos sabi niya [sa akin] mga ilang segundo, 'Ano 'di ka pa tatayo?' Sabi ko, 'Ay, sorry po. 'Di ko po alam," kuwento ni Royce.
Nang umupo ang veteran actor, nag-ayos daw si Royce sa likod ng veteran actor habang nananalamin.
Sambit umano sa kaniya ng aktor, 'Alam mong inaayusan ako diyan ka pa mag-aayos.'
Paliwanag ni Royce, hindi raw siya nagagalit sa veteran actor kung hindi natatakot kaya ayaw na sana niyang makatrabaho itong muli. Pero nang magkausap na sila, naging maayos naman daw ang lahat.
"Siguro nung time na 'yon talagang dahil nga late siyang sinabihan kumbaga nasa emotion siya ng parang galit," ayon kay Royce na nagsabing nirerespeto niya ang veteran actor na hindi tinukoy kung sino. -- FRJ, GMA Integrated News