Hindi na umubra ang pagpapanggap na mannequin ng isang lalaki sa loob ng isang shopping center sa Warsaw, Poland dahil nabisto at naaresto siya ng mga pulis.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang suspek sa window display ng isang tindahan na kasama ang ilang tunay na mannequin.
Ayon sa mga awtoridad, ito raw ang taktika ng kawatan para hindi siya mahuli ng mga security camera sa tindahan. Kapag sarado na ang shopping center, doon na sasalakay ang suspek.
Sa isang pagkakataon, isang tindahan ng alahas ang nabiktima umano ng kawatan.
"A 22-year-old with a bag in his hand froze motionless, pretending to be a mannequin in front of a shop window," ayon sa pahayag ng pulisya. "In this way, he wanted to avoid being exposed by the cameras."
Pero hindi lang sa pagpapanggap na mannequin para makapagnakaw magaling ng suspek. Ayon sa pulisya, minsan din umanong kumain sa restaurant ang lalaki at sisibat sa roller-shutters ng tindahan para magpalit ng damit, at babalik para kumain ulit.
Pero nabisto na siya ng mga security personnel at tumawag ng pulis para maaresto.
May iba pa umanong nabiktimang shopping center ang suspek kung saan nakatangay siya ng mga pera at mga gamit.
Kung mapapatunayang nagkasala, maaaring makulong ng hanggang 10 taon ang suspek. —FRJ, GMA Integrated News