Mahigpit ang paalala ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mga tumataya sa lotto na ingatan ang tiket para hindi mabasa o malukot upang hindi magkaproblema sa pagkuha ng premyo kapag nanalo. Pero ang isang dating OFW na tumama ng P12.3 milyong ang hawak na ticket noong 2014, hindi lang nalukot, nasunog pa ng plantsa. Makuha pa kaya niya ang premyo?
Sa Kapuso sa Batas, nagpayo si Atty. Gaby Concepcion na pagdating sa mga lotto ticket, sundin ang general rule na “no readable ticket, no payment” para hindi na kailangang magreklamo, sumangguni sa Kongreso, magsampa sa Regional Trial Court, iakyat sa Court of Appeals at Korte Suprema.
Ganito kasi ang nangyari kay Antonio Mendoza sa kasong “PCSO vs. Antonio Mendoza,” na nagsimula nang mahablot at nalukot ng kaniyang apo ang winning ticket.
Dahil nalukot, pinlantsa ng anak ni Mendoza ang ticket. Sa halip na mawala ang lukot, nasunog ang ticket at nawala ang ilang numero ng winning combination.
Sa kabutihang palad, hindi nangitim ang buong ticket, at mababasa pa rin ang unang dalawang numero ng winning combination, pangalan ng outlet, petsa at oras na nabili ang ticket.
Ngunit pinanindigan ng PCSO ang kanilang panuntunan na “no ticket, no prize.”
Dahil dito, lumapit si Mendoza sa Kongreso at nakuha niya naman ang suporta nito. Kalaunan, inirekomenda ng Kamara na bayaran ng PCSO si Mendoza.
Nanalo rin si Mendoza sa RTC, Court of Appeals at Korte Suprema.
Inilahad ng Korte Suprema na ang pinakaimportante para manalo ng premyo sa lotto ang winning combination ng mga numero.
Nakapagpresinta rin ng ibang ebidensya si Mendoza para mapatunayan niya na tumama ang hawak niyang ticket na nasunog.
“In any case, mas mabuti pa rin na huwag itupi, huwag basain at lalong lalo huwag plantsahin ang inyong ticket,” payo ni Atty. Concepcion.
Sa kaso ng isang tao na nakapulot ng ticket, sinabi ni Atty. Concepcion na walang tunay na “finders keepers” dahil may obligasyon siyang ibalik sa may-ari ang isang nahanap na bagay na hindi kaniya.
Kung hindi niya ito gagawin, maaari siyang makasuhan ng pagnanakaw.
Sa huli, sinabi ni Atty. Concepcion na obligasyon pa rin ng ticket holder na itago nang maayos ang ticket at isulat ang kaniyang pangalan at pirmahan.-- FRJ, GMA Integrated News