Naantig ang netizens sa post ng isang guro tungkol sa kaniyang batang estudyante na masayang kumakain at inalok pa ang ibang kaklase kahit nalagay sa lalagyan ng dishwashing soap ang kaniyang baon na kanin at pritong itlog. Alamin ang kaniyang kuwento?
Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakita ang post ni Titser Sharon Caraecle ng Igat Elementary School tungkol sa dishwashing soap na ginawang baunan ng anim na taong gulang na si Jayvie Galolo.
BASAHIN: Baon na kanin at tuyo ng batang mag-aaral, nakalagay sa lumang lalagyan ng pintura
Umani ng maraming papuri at pagmamahal ang post ni Teacher Sharon.
Nakatira si Jayvie sa malayong isla ng Igat Island sa Zamboanga Del Sur, na kailangang sumakay ng bangka para marating.
Napag-alaman na umalis ang ina ni Jayvie kaya lumaki ang bata sa pangangalaga ng kaniyang ama at lola.
Simple lamang ang kanilang pamumuhay sa isla, ngunit lumaking masayahin si Jayvie. Kasiyahan din niya ang makapaglaro kasama ang mga kaibigan.
Halos isang oras ang nilalakad ni Jayvie para pumasok sa eskuwelahan. Kung minsan, sinasamahan siya ng kaniyang amang si Vince Gerolaga Galolo sa pagpasok.
Walang permanenteng trabaho si Vince, kaya masakit sa kaniya ang sitwasyon ng anak.
Sa kabila nito, pursigido si Jayvie na pumasok sa eskuwelahan na dala-dala ang kakaiba niyang baunan.
“Tingin ko talaga kay Jayvie ang saya niya habang kumakain. Kaya sabi ko sa sarili ko, ‘Ay, hindi siya dapat kaawaan’ kasi tingin ko talaga sa kaniya, happy talaga siya na bata, kontento at hindi niya alam kung ano ‘yung nilagyan ng pagkain niya. Inosente talaga,” sabi ni Titser Sharon.
Kahit simpleng pritong itlog lamang ang baon ni Jayvie, hindi ito nag-atubiling mag-alok ng pagkain sa kaniyang guro at iba pa niyang mga kaklase na wala raw baon noon.
Pero paliwanag ni Lola Manuela kung bakit niya ginawang baunan ng apo ang lalagyan ng sabon: “Ang mga baunan namin, nawala. Tapos gusto ko sana ilagay sa dahon ng saging kasi marami naman dito kaso ayaw niya. Kaya sabi ko rito na lang sa lalagyan ng sabon kasi malinis naman ito.”
Dahil sa post ni Titser Sharon, kaliwa’t kanan ang tumulong kay Jayvie at binigyan siya ng mga bagong baunan.
Kahit hindi pa niya lubos na nauunawaan ng bata ang nasa viral photo, masaya siya sa mga natanggap niya na regalo.-- FRJ, GMA Integrated News