Inihayag ng Antipolo City Police na lumabas sa pagsusuri ng mga forensic expert na walang kaugnayan ang umano'y pananampal ng guro sa pagkamatay ng 14-anyos na estudyante na si Francis Gumikib.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ng Antipolo police na ipinaliwanag na ng mga eksperto sa pamilya ni Gumikib ang resulta ng ginawang pagsusuri sa mga labi ng binatilyo.
Dahil dito, hindi na kakasuhan ng homicide ang guro, pero ikinukonsidera naman ang pagsasampa ng child abuse dahil sa umano'y ginawang pananakit.
Una rito, sinabi ng PNP Forensic Group na isang rare condition ang dahilan kaya nagdugo ang utak ng binatilyo na dahil ng kaniyang pagpanaw.
Sa isinagawang awtopsiya at histopathological examination sa mga labi ni Gumikib, lumabas na pamamaga at pagdurugo sa kaniyang utak.
Sa pulong balitaan, inihayag ng PNP-FG medicol legal officer na “intracerebral hemorrhage and edema” ang dahilan ng pagkamatay ni Gumikib.
“With regards to the layman's term of the cause of death, intracerebral, cerebral edema is pamamaga po ng utak, and intracerebral hemorrhage is iyong pagdurugo po sa utak,” paliwanag ni Police Lieutenant Colonel Maria Analiza dela Cruz, hepe ng PNP-FG medicolegal office sa Rizal.
“Ang nag-cause pong intracerebral hemorrhage o iyong pagdurugo sa utak ay iyong pamamaga po sa utak at ang naging cause naman po ng intracerebral hemorrhage is iyong titingnan po natin, kaya sinabi natin na non-traumatic ang nature noong pagputok ng ugat na iyon, is mostly it is a rare condition,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Dela Cruz na napakasensitibo ang mga ugat sa utak.
“At first is asymptomatic tapos biglang na lang po. Fragile po itong mga ugat na iyon na it can rupture or burst spontaneously. In other cases naman po, meron pong tension on that particular anomaly doon sa utak,” ayon sa opisyal.
Sa kaso ni Gumikib, base umano sa CT scan, sinabi ni Dela Cruz ang hemorrhage ay nanggaling sa “innermost area” ng utak.
Nakasaad sa Brain Injury Association of the America, na ang non-traumatic brain injuries ay sanhi ng internal factors, tulad ng kakulangan ng oxygen, exposure sa toxins, at pressure mula sa tumor o bukol.—FRJ, GMA Integrated News