Ginawang content online ng isang engineer ang pagtuturo ng math para mas maunawaan pa ito ng mga estudyante at mawala ang kanilang takot sa subject.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, ipinakilala ang 31-anyos na electronics engineer na si Isaiah James Maling o “IJ.”
Kung ayaw ng ilang estudyante ang math, love naman ito ni IJ na mabilis na nakakapagso-solve ng multiplication problem.
Sinubok ang galing ni Maling sa math nang ipa-multiply sa kaniya ang isang random na eight digits sa 25.
“Sobrang nag-e-enjoy po ako kasi napaka-interactive po ng audience, at the same time alam ko na natututo sila,” sabi ni Maling.
“Kumbaga God-given talent po siya na I have to share it [with] everyone,” dagdag niya.
Noong estudyante pa lamang, achiever na si Maling sa eskuwelahan.
Katunayan, isa siyang nationwide math champion sa MTAP college level noong 2011.
“Proud na proud ako riyan sa panganay ko eh kasi elementary days pa lang niya, bata pa ‘yan nakikipag-competition na ‘yan, nagbibigay na ‘yan sa amin ng suporta,” sabi ni Mary Ann Maling, ina ni IJ.
Nagpayo si Maling sa mga hirap sa math na maghanap ng motivation at magsanay nang magsanay.
“Disiplina, sipag, tiyaga, tsaka focus. ‘Yun po ang pinakaimportanteng training para gumaling sa math,” ani Maling. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News