Pinalaya ng mga awtoridad si Pura Luka Vega matapos siyang makapagpiyansa.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Sabado, sinabi ni Police Brigadier General Andre Dizon, director ng Manila Police District (MPD), na inilabas ng korte ang release order nitong umaga.

"Matapos makapagpiyansa, kaninang umaga ay may inilabas na release order ang korte para kay Pura Luka Vega kaya immediately noong dinala sa MPD Station 3, na-release natin," sabi ni Dizon.

Matatandaang inaresto si Pura Luka Vega, o Amadeus Pagente, dahil sa reklamong isinampa laban sa kaniya sa pagtatanghal niya na nakabihis na tila si Hesukristo at may tugtog na "Ama Namin."

Matapos nito, naghain ng motion for bail ang kaniyang kampo, kabilang ang isang hiling na mabawasan ang kaniyang bail bond sa halagang P72,000.

Pinagbigyan ito nitong Biyernes, ngunit nanatili ang drag artist sa kustodiya ng pulisya.

Sa ulat ni Raffy Tima sa "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ni Pura na batid niyang may kasong isinampa laban sa kaniya pero hindi niya inaasahan ang paglabas ng warrant of arrest.

Una rito, nagsampa ang Devotees of the Black Nazarene na Hijos del Nazareno ng reklamo laban kay Pura dahil sa paglabag umano niya sa Revised Penal Code Article 201, o immoral doctrines, obscene publications and exhibitions, and indecent shows.

Nitong Hulyo, inireklamo rin si Pura ng mga lider ng Philippines for Jesus Movement sa Quezon City.

Sa nakaraang panayam, sinabi ni Pura na hindi niya layon na mambastos sa ginawa niyang pagtatanghal na pinatugtog ang "Ama Namin" sa remix version.

"I just want to create a narrative that despite all of these, Jesus, as the embodiment of God's love for all, does not forget about the oppressed, including the LGBTQIA+ community," saad niya.

Ilang lungsod at lalawigan ang nagdeklara kay Pura na persona non grata.
Kabilang ang Laguna, Nueva Ecija, General Santos City, Floridablanca sa Pampanga, Toboso sa Negros Occidental, at maging sa City of Manila. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News