Arestado ang isang motorcycle rider matapos niyang talunan ang kotse ng isang babaeng driver, bago niya ito tutukan ng baril at untugin pa ng helmet sa Philadelphia, USA.
Ang insidente, nangyari habang nasa loob ng kotse ang mga anak ng ginang.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang video ng lalaki na nagtatalon sa ibabaw ng sasakyan na nag-viral online.
Pagkababa ng lalaki sa likuran, basag na ang windshield ng sasakyan, hanggang sa mahulog ang tila isang baril mula sa kaniya, na agad niyang pinulot.
Pagkababa ng babaeng driver ng sasakyan, dito na itinutok ng lalaki ang baril sa ginang.
Pagkalapit ng babae, inuntugan pa siya sa ulo ng suspek na naka-helmet.
Tinulak din ng lalaki ang babae palayo bago itong muling sumakay sa motorsiklo.
Sinabi ng driver na si Nikki Bullock, kasama niya ang kaniyang mga anak na edad lima at dalawa nang maganap ang insidente.
Nakatakda sana siyang mag-deliver ng pagkain nang tamaan ng isang motorsiklo ang gilid ng kaniyang sasakyan.
Habang nagtatalo, pinalibutan siya ng mga motorista bago tumalon sa kaniyang sasakyan ang suspek na kinilalang si Cody Heron, 26-anyos.
“The kids were screaming. Like it was insane. The only thing that protected my kids from not having a bunch of glass from shattering on top of them is that my back windshield was tinted,” sabi ni Bullock.
Nahuli kalaunan ng pulisya si Heron.
Base sa mga ulat, malaki ang naitulong ng tips mula sa publiko para matunton ang suspek.
Nakita rin umano ng mga awtoridad sa bahay ng suspek ang motorsiklong nakunan sa video at ang 9 mm handgun.
Sinampahan na si Heron ng possession of an instrument of crime at recklessly endangering another person.
Mahaharap din siya sa patong-patong na reklamo ng aggravated assault. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News