Kalunos-lunos ang sinapit ng isang batang lalaki na anim na taong gulang matapos siyang mahulog mula sa puno at matusok ng sanga sa dibdib sa Badian, Cebu. Makaligtas kaya ang bata kahit malayo sa kanila ang pagamutan?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” makikita na bumaon ang halos kalahati ng nasa 16 pulgadang sanga sa dibdib ng biktimang ni C-Jay Villazor.
Kasama raw ni C-Jay noon ang kaniyang mga kuya na sina Jellian at Florencio, nang akyatin niya ang isang mataas na puno ng sampalok noong Setyembre 20.
Ayon kay Jellian, plano noon ni C-Jay na kumain ng dahon ng sambag. Binalaan niya ito na huwag nang tumuloy ngunit hindi umano nakinig sa kaniya.
Nasa anim na talampakan lamang ng taas ng puno ang naakyat ng bata, ngunit habang pababa na, dito na niya nabitawan ang kinapitan niyang sanga at natusok ng sanga nang bumagsak.
Agad humingi ng tulong ang mga kapatid ni CJay sa kanilang ina na si Helena Dolliongan na naglalaba noon. Isinugod nila ang biktima habang nakatusok ang sanga sa dibdib sa pinakamalapit na ospital na isang oras ang layo sa kanila.
Ngunit dahil maliit lamang ang ospital na una nilang pinagdalhan, kinailangang ilipat si C-Jay sa mas malaking ospital sa Cebu City, na mahigit tatlong oras naman ang layo mula sa Badian.
Sa kabutihang-palad, walang tinamaan ang sanga sa mga vital organs ni C-Jay nang isinailalim siya sa operasyon.
Ayon kay Dr. Peter Paul De Loyola, general surgeon ng VSMMC, tumusok lamang ang sanga sa second intercostal space ni C-Jay, at hindi bumaon sa kaniyang baga o puso.
Pagkaraan ng apat na oras na operasyon, matagumpay na natanggal ang sanga na nakatusok sa dibdib ng bata.
Dumagsa naman ng tulong mula sa netizens matapos i-post ang kuwento ni C-Jay sa social media.
Magpapaabot din ng tulong ang municipal social welfare and development office ng Badian ng medical at food assistance sa pamilya.
Tumulong din ang “KMJS” para maipagdiwang ni C-Jay ang kaniyang kaarawan na hindi niya nagawa dahil nasa ospital siya noon.
Paalala ng mga dalubhasa, kapag natusok ng isang bagay ang biktima, huwag itong basta aalisin. Gawan ng paraan upang maampat ang pagdurugo at isugod sa ospital ang biktima at hayaan ang mga duktor na mag-alis ng nakatusok na bagay.
Para sa mga nais na tumulong kay C-Jay Dolliongan Villazor, maaaring magdeposito sa:
LANDBANK MOALBOAL, CEBU
ACCOUNT NAME: HELENA R. DOLLIONGAN
ACCOUNT NUMBER: 4206047122
--FRJ, GMA Integrated News