Naging tampulan ng tukso ang isang babae sa Baras, Rizal dahil sa pag-itim ng kaniyang mukha na tila maskara na sasali sa Ati-atihan. May kinalaman nga kaya rito ang nabili niyang murang astringent sa bangketa o biktima siya ng kulam?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na nagpadala ng mensahe sa programa si Sheryl Caadan, upang humingi ng tulong para maibalik ang dating hitsura ng kaniyang mukha.
Dating waitress sa bar si Sheryl kaya inaalagaan niya ang kaniyang kutis at mukha para sa kaniyang trabaho. Hanggang sa makita niya ang tig-P150 na astringent na ibinebenta sa bangketa na kaniyang ginamit.
Tila nahiyang naman si Sheryl sa naturang produkto dahil numipis, pumuti at kuminis daw ang kaniyang mukha na dating morena.
Pero kinalaunan, nagkaroon ng tila maliliit na pekas sa kaniyang mukha at umitim. May lumabas din daw na amoy dito na hindi kaiga-igaya.
Duda niya, kinulam siya na kinumpirma naman daw ng albularyo na nagsabing may naiinggit sa kaniya.
"Sinalitaan ako na 'yang maganda mong mukha, may lalabas diyan na hindi mo magugustuhan," kuwento ni Sheryl.
Dahil sa akala na may naiinggit lang sa kaniya, itinuloy pa rin ni Sheryl ang paggamit ng astrigent. At pagkaraan ng 25 taon, ang dating maliliit na itim, para na ngayong maskara na bumalot sa kaniyang mukha.
Dahil dito, natigil na si Sheryl sa trabaho at bumaba ang kompiyansa sa sarili dahil sa mga tanong ng mga tao na nakakakita sa kaniya kung anong nangyari sa kaniyang mukha.
Ano nga ba ang tunay na dahilan ng pag-itim ng mukha ni Sheryl at maibabalik pa kaya ng dermatologist ang dati niyang hitsura? Panoorin sa video ang buong kuwento. --FRJ, GMA Integrated News