Sakit ng katawan ang inabot ng isang lalaki na naunang inaresto ng mga pulis makaraang pumalpak ang plano niyang pagtakas habang nakasakay sa likod ng pick-up truck ng mga pulis sa sa Bangkok, Thailand.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa video na nakapuwesto ang nakaposas na inarestong lalaki sa likod ng pick-up truck, habang kasunod nila ang mga pulis na sakay ng motorsiklo.
Tumigil ang sasakyan habang tumitiyempo sa pagtawid sa kabilang kalsada nang biglang tumalon ang lalaki mula sa pick up truck upang tumakas.
Pero natisod ang lalaki nang humakbang kaya nawalan siya ng balanse at nahulog sa kalsada.
Panay naman ang paghingi ng tawad ng lalaki sa mga pulis nang maudlot ang tangka niyang pagtakas.
Ibinalik ang lalaki sa likod ng pick-up, ngunit sinamahan na siya ng mga pulis.
Hindi tinukoy sa report ang dahilan ng pagkaka-aresto sa lalaki.
Sa Odisha, India naman, nabigo ang mga smuggler umano ng marijuana na sakay ng truck na matigil ang ginagawang paghabol sa kanila ng mga pulis.
Sa gitna ng habulan, inihulog na ng mga smuggler ng mga sako na puno ng marijuana para ihambalang sa mga humabol ng pulis.
Ngunit naiwasan ng mga pulis ang inilalaglag na sako kaya nagpatuloy ang habulan hanggang sa maubos na ang laman ng truck.
Kinalaunan, inabandona na lamang ng mga smuggler ang truck at tumakbo upang makatakas.
Bagaman hindi nahuli ang mga smuggler, nabawi naman ng mga pulis ang nasa 950 kilo ng marijuana at ang ginamit na truck ng mga smuggler.
Sinabi ng pulisya na nakatakda sanang dalhin ang droga sa Andhra-Odisha border.
"We received intelligence about the execution of illegal deal in contraband cannabis near Rekhapalli village in Chitrakonda area. Our team immediately rushed to the spot to nab the smugglers who were from Andhra Pradesh. We have launched a manhunt to nab the accused peddlers who managed to escape," sabi ng Chitrakonda Police.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News