Isang embalsamador sa isang morgue sa Gapan, Nueva Ecija ang may nakakakilabot umanong karanasan habang inaayusan ang mga patay. At ang mga patay, dinadalaw din umano sa panaginip ang embalsamador.

Sa ulat ng "Dapat Alam Mo," sinabi ng embalsamador na si Ferdinand Macapo, na family business nila ang punerarya na kinaroroonan din ng morgue, na sinimulan ng kaniyang lolo.

Naipasa na ito sa kanilang tito, hanggang sa umabot na sa mga apo na katulad niya. Ayon kay Ferdinand, 18-anyos pa lang siya ay isinasama na siya ng kaniyang tito sa punerarya para matuto rin siyang mag-embalsamo.

Isa raw sa mga nakakakilabot na naranasan niya habang nag-aayos ng bangkay ay nangyari noong nakaraang taon.

Kuwento niya, inaayusan niya ang bangkay ng isang babae at nandoon din daw sa morgue ang ina ng nasawi at isa pa nitong anak na bata.

Maya-maya lang, napansin umano ng isa niyang kasama na nagsasabi ang bata na nagpapakarga sa kaniyang ate na namatay na.

May insidente rin umano na habang nag-iisa siya sa morgue at may inaayusang bangkay ay biglang nawalan ng kuryente dahil malakas ang ulan.

Namatay umano sa aksidente ang naturang bangkay at bahagya pang nakadilat ang mga mata nito nang bigla na lang daw gumalaw.

Kahit sa panaginip, nagpapakita umano sa kaniya ang mga bangkay na kaniyang inayusan.

"Ang panaginip ko noon may nag-imbita sa akin parang may birthday. Yung pinakadaanan ng pupuntahan naming birthday sementeryo. Bawat nitso may kaniya-kaniyang pinakabahay. Nung malapit na kami sa bawat nitso na 'yon,  nakita ko lahat yung mga inimbalsamo ko sa bawat nitso, nakita ko talaga ang bawat mukha," kuwento ni Ferdinand.

Para malaman kung may nagmumulto o nanggagambala sa lugar, binisita ng paranormal researcher na si Ed Caluag ang morgue.

Sa labas pa lang, may mga naramdaman na si Ed gaya ng pananakit ng kaniyang ulo na tila may taong namatay sa aksidente na dinala sa morgue.

Sa loob ng morgue, inilabas ni Ed ang tinatawag na "ghost box" at susubukan niya kung may kaluluwa na makikipag-usap sa kaniya. Ano kaya ang kaniyang matutuklasan, at ano kaya posibleng mensahe sa panaginip ni Ferdinand? Panoorin ang video.

--FRJ, GMA Integrated News