Pinasok sa kaniyang bahay at pinagbabaril pero nakaligtas ang dating katrabaho at isa sa mga testigo para sa minaltrato umanong kasambahay na si Elvie Vergara na si "Alyas Dodong," sa Occidental Mindoro.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente noong gabi ng Martes sa tinutuluyang bahay ni Dodong sa bayan ng Paluan.
"Pumasok, tinadyakan daw yung pintuan habang siyaý nanonood ng TV. Pinutukan siya, nakaiwas siya, tumalon siya. Nakatakas siya [at] at pumunta doon sa kabilang bahay, nagtago siya doon. Then pumunta sa bahay ng kaniyang amo," ayon kay Police Colonel Jun Danao, Director, Occidental Mindoro Police Provincial Office, batay sa kuwento ni Dodong.
Para sa kaniyang kaligtasan, na nasa pangangalaga na ngayon ng mga awtoridad si Dodong.
Ayon sa pulisya, ang suspek na pumasok sa bahay ni Dodong ay posibleng ang mga dating umaaligid sa bahay at naghahanap sa biktima.
Isa si Dodong sa mga naging testigo para kay Vergara na pinagmalupitan umano ng dati nilang amo na nagresulta sa pagkabulag ng huli.
Ikinabahala naman ni Vergara ang nangyari kay Dodong.
Dahil sa nangyari, humiling na rin siya sa mga senador na mabigyan ng seguridad at bagong abogado dahil magbibitiw na umano ang kasalukuyang abogado na kumakatawan sa kaniya sa kaso.
Matatandaan na dininig sa Senate on Justice and Human Rights na pinamumunuan ni Sen. Francis Tolentino ang nangyari kay Vergara.
Nitong Miyerkules, sinabi ni Tolentino na pinag-aaralan nila na ilagay si Vergara sa witness protection program ng Department of Justice.
“Yung kay Manang Elvie ay mayroon tayong paikot-ikot na security subalit…si Manang Elvie… e sinusubukan natin ngayon na ipasok sa witness protection program. May proseso lang iyon,” paliwanag niya.
Ipinaliwanag din ni Tolentino na maaari ding ilagay si Vergara sa proteksyon ng Senado pero may limitasyon na hanggang dinidinig lamang ang tungkol sa nangyari sa kaniya.
“Puwede siyang itigil dito pero iyon ay hanggang sa mayroon lang tayong pagdinig. Mas malawak at malalim yung witness protection program [ng DOJ] na batas na pinasa rin ng Senado,” pahayag niya.
Sinabi rin ni Tolentino na nakatakdang dumalo sa pagdinig ng Senado si Dodong na nakasaksi umano sa ginawang pagmamaltrato ng kanilang amo kay Vergara.
“Mayroon pang isang testigo na aming nakuha na susubukan na rin namin protektahan ngayon pero hindi ko pa mabanggit. Itong testigong ito ay hindi lang nasaksihan ‘yung marahas at malupit na pagtrato kay Manang Elvie kung hindi siya mismo ay nakaranas din ng ganon,” sabi ng senador.--FRJ, GMA Integrated News