Sinabi ni Senador Bong Go na hinikayat ni dating Pangulo at ngayo'y House Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na maging aktibo muli sa pulitika si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inihayag ito ng senador makaraan siyang mag-post sa Facebook ng mga larawan mula sa “informal” meeting nitong weekend nina Arroyo, Duterte, dating Senate President Vicente Sotto III, at dating Executive Secretary Salvador Medialdea.
“Isang simpleng kamustahan at masayang pagkikita ang nangyari kasama ang mga pinunong naglingkod sa bayan sa iba’t ibang posisyon o kapasidad noong mga nakaraang administrasyon. Nagbalik-tanaw sila sa mga panahong nagkasama sila sa gobyerno,” ayon sa caption ni Go.
“Sa nasabing pagkikita, kinukumbinsi din ni dating pangulong Arroyo si dating pangulong Duterte na maging aktibo muli sa pulitika,” dagdag ng senador.
Ayon kay Go, inimbitahan ni Arroyo si Duterte sa isang “informal” meeting sa pamamagitan ng isa nitong tauhan.
Nataon umano na nasa Maynila si Duterte.
“Inanyayahan ni dating pangulong Gloria Arroyo, sa pamamagitan ng kanilang mga staff, sa isang impormal na pagkikita si dating pangulong Rodrigo Duterte na nasa Maynila noong panahong iyon. Nagkataong magkasama kami ni Tatay Digong noon matapos ko siyang samahan sa kanyang medical checkup sa hospital, gaya ng dati kong ginagawa sa kanya,” saad ni Go, na dating personal aide ni Duterte.
“[D]ahil bihira lang naman na pumunta sa Maynila sa ngayon si dating pangulong Duterte, sumabay na rin sa pagkikitang iyon, sa tulong ni dating executive secretary Salvador Medialdea, si dating Senate president Tito Sotto na gusto ring makamusta ng personal ang kanyang itinuturing na kaibigan na si Tatay Digong,” paliwanag pa niya.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuhanan ng pahayag ang kampo ni Arroyo tungkol sa naturang pagkikita nila ni Duterte.
Bukod kina Duterte at Sotto, nakasalamuha rin ni Arroyo sa isang pang pagtitipon si dating Vice President Leni Robredo.
Sa inilabas na pahayag ni Arroyo, sinabi niya nagkasama sila ni Robredo sa isang “social dinner,” na kasama rin ang mutual friends nila mula sa Bicol.
"We chatted about Bicol politics,” anang dating pangulo. — FRJ, GMA Integrated New