Isang bata ang binawian ng buhay matapos nabulunan o nabilaukan ng buto ng rambutan sa Camarines Sur. Ano nga ba ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon para masagip ang biktima at papaano nga ba ginagawa ang life saving technique na Heimlich maneuver? Alamin.
Sa programang Unang Hirit, sinabi ni Jhune Tolentino, isang certified Emergency Medical Technician, na pang-lima sa pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga batang edad lima pababa ang nabibilaukan.
Dahil umano ito sa pagkain na ibinibigay sa kanila, o kaya naman ay sa mga bagay na nadadampot ng mga paslit at basta na lang isusubo gaya ng mga laruan.
Sa isang ulat sa "24 Oras Weekend," sinabing nagulat at nagkagulo na lang ang mga kaanak ng bata nang hindi na ito makahinga. Malayo rin umano sa ospital ang bahay ng biktima.
Nito lang nakaraang buwan, isang anim na taong gulang na babae rin ang nasawi sa Taysan, Batangas nang bumara din sa kaniyang lalamunan ang buto ng rambutan.
Ayon kay Tolentino, mayroon apat hanggang limang minuto upang matulungan at masagip ang pasyente at mailabas ang nakabara sa kaniyang lalamunan.
Magiging mas peligroso na ang kalagayan ng pasyente kapag inabot na ng 10 minuto na hindi siya nakakahinga dahil maapektuhan na nito ang brain cell o ang kaniyang utak.
Nang tanungin kung ano ang mga indikasyon na na-choke o may nakabara sa lalamunan ng bata, sinabi ni Tolentino na kapag nangingitim ang labi ng pasyente o nakahawak siya sa kaniyang leeg.
Kasama rin na hindi makapagsalita ang bata, at may mataas na tining sa kaniyang paghinga na palatandaan na may nakaharang sa daanan ng hangin.
Sa ganitong sitwasyon, dapat umanong sabihan ang pasyente kung kaya niyang umubo para mailabas ang nakabara sa kaniyang lalamunan.
Kung hindi na kayang umubo ng pasyente, dapat na siyang tulungan sa pamamagitan ng Heimlich maneuver.
Dito, ilalagay ng tutulong na tao ang isa niyang kamay na nakasara sa bahaging ibaba ng rib cage at ibabaw na bahagi ng pusod. Habang ang isa pang kamay ay ilalagay sa nakatikom na kamay para mapuwersa o madiinan o maitulak ang sikmura ng pasyente.
Pupuwesto ang magsasagawa ng Heimlich maneuver sa likod ng pasyente, at tila nakayakap siya sa pasyente. Panoorin ang video upang lubos na makita ang paraan kung papaano dapat gawin ang Heimlich maneuver. -- FRJ, GMA Integrated News