Inaresto ng National Bureau of Investigation has ang isang "vlogger" na nagretoke o minanipula ang pahayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., para palabasing pabor sa legalisasyon ng droga ang Punong Ehekutibo.

Sa ulat ni John Consulta nitong Biyernes, sinabi ng NBI na ipinost sa Facebook ang naturang minanipulang pahayag ng pangulo.

“Onti-onti na kami, kumukuha kami. Nakikipag-cooperate sa amin ang Facebook, nakikipag cooperate ang TikTok, ito na po. Kaya warning sa kanila: hindi namin sila tatantanan,” sabi ni NBI chief Jaime Santiago.

Aminado naman ang vlogger na kumikita siya sa pagpapakalat ng fake news.

“Opo,” sagot nito nang tanungin tungkol ni Santiago tungkol sa kita. “Pero maliit lang po siya.”

Umiiyak din na humingi ng tawad ang vlogger kay Marcos.

Kasunod nito, hinikayat ni Santiago ang publiko na suriing mabuti ang mga nakikitang impormasyon sa social media. Nagbabala rin ang opisyal na maaaring kasuhan ang mga gumagawa at nagpapakalat ng maling impormasyon.

“‘Yun namang mga gumagawa, ‘yung iba ay katuwaan lamang. Hindi katuwaan ito. May kaakibat na krimen ito na makakasuhan kayo. At 'pag nakasuhan kayo katulad nito… ngayon umiiyak. Hindi na daw niya uulitin,” sabi ni Santiago.

Giit pa ni Santiago, “Think before you click! Hindi ito biro."

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 152 ng Revised Penal Code, na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012.

Kung mapapatunayang nagkasala, maaari siyang makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon, at multa na hanggang P200,000. — mula sa ulat ni Joahna  Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News