Dalawang taon nang caretaker sa kapilya at may iba pang kaso ng rape na kinakaharap ang suspek sa pagpatay at hinihinalang paghalay sa isang 13-anyos na babae sa Baybay City, Leyte. Ang bangkay ng biktima, nakita mismo sa ilalim ng altar na walang saplot sa katawan.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi ni Police Colonel Dionisio Apas Jr., Provincial Director ng Leyte Provincial Police Office, na tumakas ang 37-anyos na suspek matapos gawin ang krimen at nagtungo sa bayan ng Mondragon sa Northern Samar.

Batay umano sa nakalap nilang impormasyon, sinabi ni Apas na may dalawang taon nang caretaker sa kapilya ang suspek, na napag-alaman din sa isinagawa nilang imbestigasyon na may iba pang kinakaharap ding kaso ng rape kabilang sa Biliran at Cebu.

Ayon pa sa opisyal, umaga noong March 15 nang umalis ang ama ng biktima para magpa-dialysis. Pero pag-uwi nito, hindi na niya nakita ang anak.

 

 

Kinabukasan, nag-report sa pulisya ang ama na nawawala ang kaniyang anak. Sinabi ni Apas na kaagad nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya hanggang sa may nakapagsabi may nadinig na umiiyak sa may bahagi ng kapilya pero hindi pinansin.

Nang pasukin ng mga awtoridad ang kapilya, may naamoy na masangsang hanggang sa nakita na ang bangkay ng biktima sa ilalim ng altar na walang saplot.

Sinabi rin ni Apas na may indikasyon na pinatay sa sakal ang biktima. Hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya sa mga labi nito upang malaman kung ano talaga ang kaniyang ikinamatay at kung positibo bang hinalay ang dalagita.

Ayon kay Apas, malapit lang sa kapilya ang bahay ng biktima.

Kaagad umanong inalerto ng Baybay Police ang mga awtoridad sa Mondragon nang malaman na doon ito dating nakatira hanggang sa maaresto na siya sa follow-up operation nitong Miyerkules.

Sinabi ni Apas na hinihintay nila ang pagdating ng suspek sa Leyte mula sa Northern Samar para alamin ang mga detalye at kung paano nito isinagawa ang karumal-dumal na krimen. -- FRJ, GMA Integrated News